Tungkol sa blogger

Ginawa ang blog na ito upang magsilbing sisidlan ng marami kong mga ideya tungkol sa iba't ibang mga bagay. Minsan habang naglalakad o kumakain, madalas kapag naliligo, o kahit walang ginagawa at nakahiga lamang sa kama at nakatingala sa kisame, sa mga ganoong pagkakataon ako mas nakakapag-isip-isip. Isang koleksyon ng mga kwento, kathang-isip man o katotohanan, at kahit mga walang kwentang bagay-bagay. Kahit ano, pwede.
- Abigail Jayin

Mga Popular na Post

Blogroll

Hunyo 5, 2013

 
“Siya nga pala, may itatanong sana ako. Sana ‘wag mong masamain or something,” wika ni Lila.

“Sige, ano iyon?” mahinang tanong rin ni Anton.
“Uh…” Biglang natigilan si Lila. Hindi niya alam kung paano sisimulan ang tanong nang hindi makakasakit ng sinuman.
“’Wag kang mahiya, Lila. Nais mo ba akong tanungin kung bakit ako nabulag?”
“Hindi naman, Anton. Gusto ko lang sanang itanong… Bakit ka laging nakatingin sa labas? E di’ba…”
“…bulag ako?” ang tapos ni Anton sa pangungusap ni Lila. Napatakip si Lila sa kanyang bibig.

Tumingin muli si Anton sa labas. Napansin na ni Lila sa wakas ang tinitingnan ni Anton.
“Halos apat na buwan na,” simula ni Anton, “nang mawala ang aking paningin. Isa akong gitarista at lead vocalist sa isang banda dati. Doon kami laging tumutugtog sa bar na katabi ng malaking building na katapat ng café na ‘to. Dahil sa nangyari sa akin, tinanggal ako sa grupo namin. Kahit hindi naman nito naapektuhan ang aking pagtugtog at pagkanta, pinilit pa rin nilang wala na akong magagawa para sa banda.” Dito’y halos mangiyak-ngiyak na tinapos ni Anton ang kanyang kuwento.
“I’m sorry…”
“Wala kang dapat ipag-sorry. Pasensya na kung masyado akong malungkot.”
Gusto sanang pagaanin ni Lila ang loob ni Anton, ngunit hindi niya alam kung paano. Naisip niyang kausapin na lamang si Anton.
“So… Namimiss mo ngayon ang pagtugtog at pagkanta kasama ng iyong banda? Kaya parati kang nakatingin sa bar kung saan ka dating nagtatrabaho?”
“Siyempre naman. Iyon lang ang tangi kong trabaho. Iyon lang ang alam kong gawin. Kaya halos gumuho ang mundo ko nang malaman kong tanggal na ako. Pangit raw sa image ng grupo ang may bulag na miyembro.”
“E ‘di paano ka na nabubuhay ngayon?” tanong ni Lila. Ngunit naisip niyang hindi yata tamang itinanong pa niya iyon, kaya napatakip na naman siya sa kanyang bibig.
“Sa kabutihang palad, binigyan pa ako ng pangalawang pagkakataon ng aming manedyer. Ngayo’y ako ang sumusulat ng mga kanta ng banda namin.” Pinilit ni Anton ang ngumiti, kahit bakas na bakas sa kanyang mukha ang lungkot.
Natahimik silang dalawa. Awang-awa si Lila kay Anton. Hindi maialis sa kanyang isipang maaaring nangyari rin sa kanya ang kinahinatnan ni Anton. Kaya habang pilit na ngumingiti si Anton, tumutulo naman ang mga luha ni Lila.
“Lila, ikaw naman ang magkuwento tungkol sa sarili mo,” sabi ni Anton. “Matagal-tagal na rin kasi akong walang nakakausap, e.”
Pinunasan ni Lila ang mga luha sa kanyang mga pisngi. “Anong gusto mong malaman tungkol sa akin?”
“Kahit anong gusto mong ipaalam sa akin.”
“Well… Isa akong empleyado sa malaking building diyan sa tapat,” sabi ni Lila sa kausap.
“Talaga? Anong ginagawa mo doon?”
“Wala naman masyado. Basically ako ang tiga-sabi kung pangit o maganda ang mga disenyo nila. Creative consultant kasi ako.”
“E ‘di mataas pala ang posisyon mo!” natutwang sambit ni Anton.
“Hindi gaano. May boss pa rin akong tinitingala.”
“Ahh… Sa totoo lang, kaya ako pumasok sa pagbabanda ay dahil gusto kong ako ang maging boss ng sarili ko. Huli na nang malaman kong hindi pala uubra iyon sa totoong buhay.”
“Ikaw naman…” Wala nang nasabing iba si Lila.
“Anong oras na?” tanong ni Anton kay Lila. Tumingin si Lila sa orasang nakasabit sa dingding ng café.
“Mag-aalas kuwatro na pala,” sagot ni Lila. “Anton, kailangan ko nang umalis, ha. May trabaho pa kasi ako.”
“Sige lang. Maraming salamat sa pag-uusap na ito, Lila.” Muli niyang inabot ang kanyang kamay.
Kinuha ni Lila ang kamay ni Anton. “Maraming salamat rin, Anton. Hayaan mo, dito na lang ako makikiupo sa iyo tuwing manananghalian ako.”
Isang masayang ngiti ang nakita ni Lila sa mga labi ni Anton. Malungkot siyang tumalikod at unti-unting lumayo sa mesang iyon.

Hindi na muling nagpalipas ng tanghalian si Lila. Lagi na siyang kumakain sa café na iyon para lang makakuwentuhang muli si Anton. Di niya maipaliwanag kung bakit, ngunit may kung ano kay Anton kaya magaan ang loob niya rito.
Parati silang nagkukuwentuhan tungkol sa iba’t ibang mga bagay. Minsan tungkol sa trabaho ni Lila, minsan nama’y sa mga kantang isinulat ni Anton para sa banda. Minsan nga’y inimbitahan pa ni Anton si Lila na manood ng isang gig ng kanyang banda.
“Lila, kung hindi ka busy ngayon, baka naman puwede kang dumaan sa bar mamayang gabi?” tanong ni Anton kay Lila. “Kung wala kang gagawin…”
“Mamayang gabi?” Papayag na sana si Lila, nang maalala niyang may date pa sila ni Dr. Mark. Nagdalawang-isip siyang sumagot.
“Bakit, busy ka? Okay lang naman, e.”
“Uh… Sa susunod na lang siguro, Anton.” Tila nadurog ang puso ni Lila nang sabihin niya ang mga salitang ito. Gustong-gusto niyang pumunta kasama si Anton, ngunit hindi na maaari. Si Mark ang dapat niyang kasama sa gabing iyon.
Malungkot na ngumiti si Anton. “Okay lang ‘yun, baka mas importante lang talaga ‘yung pupuntahan mo mamayang gabi.”
Hindi na kumibo si Lila.

Kinagabihan, tinawagan ni Dr. Mark si Lila upang sabihin kung saan sila magkikita. Nagbihis ng maganda si Lila, dahil sa isang magandang restaurant siya pinapapunta ni Mark. Magandang-maganda si Lila nang gabing iyon, ngunit ang lahat ng ito’y nalunod sa kalungkutang nadarama niya.
Pagdating niya sa restaurant, laking gulat niya nang madatnang walang katao-tao sa loob. Madilim ang paligid, na iniilawan lang ng mga puting kandilang nakatayo sa mga kandelabra. Ang buong paligid ay pinalamutian ng mga pula at puting rosas. Humahalimuyak ang buong restaurant sa amoy ng mga rosas.
Naroon si Mark sa gitna, naghihintay sa pagdating ni Lila. Malapit sa kanya’y isang banda ng mga manunugtog ng biyulin. Inabot ni Mark ang kamay ni Lila at nagsayaw sa romantikong tunog ng musika. Pagkatapos ay umupo sila sa nag-iisang mesa sa gitna.
“Mark…” simula ni Lila.
“Lila, alam kong nakakagulat ang ginawa kong ito, pero gusto kong maging espesyal ang gabing ito para sa ating dalawa.”
Hindi makapagsalita si Lila. Tila kinakabahan siya sa kung anong nais sabihin ni Mark.
“Lila, mula nang una tayong magkita, nabighani na ako ng iyong ganda. Mula noo’y hindi ka na nawala sa aking isip. Lagi kitang nakikita sa aking mga panaginip. Ito rin ang rason kung bakit lagi kitang iniimbitahang lumabas kasama ko.”
Wala pa ring imik si Lila.
“Lila,” at kinuha ni Mark ang isang bigkis ng rosas sa kanyang tabi. “para sa’yo ang mga ito.”
“Salamat,” ang tanging sagot ni Lila.
Ang bigkis ng mga bulaklak ay magkasalit na puti at pulang rosas. Malalaki ang mga bulaklak na ito. Ngunit sa bandang ilalim ng bungkos ay may napansing kakaiba si Lila.
“Ano ito…” sabay pitas sa isang maliit na rosas.
“Itim?” laking gulat na nasabi ni Mark. “Sorry, Lila, hindi dapat kasama ‘yan diyan. Baka naisama lang ng florist.”
“Ano ito? Masamang pangitain? May mamamatay?”
“Lila, ‘wag ka ngang mag-isip ng ganyan. Sabi rin nila, ang itim na rosas ay sumisimbolo na may malalaman kang isang bagay na hindi mo pa alam dati.”
Napatitig si Lila sa itim na rosas na hawak niya.
“Lila, hindi ‘yan ang mahalaga ngayon, kundi ang sasabihin ko sa iyo.” Inilagay na ni Lila ang rosas sa kanyang maliit na bag.
“Lila…” sabay hawak ni Mark sa mga kamay ni Lila, “mahal kita.”
Gulat na gulat ang mga mata ni Lila. Ngayo’y nagkatotoo na ang matagal na niyang pinapangarap. Ngunit wala pa rin siyang kibo. Ni hindi man lang siya ngumiti. Tila malungkot pa rin si Lila kahit natupad na ang kanyang hinihiling noon pa.
“Mark, hindi ko alam kung anong sasabihin…”
“Sabihin mong mahal mo rin ako.”
“Hindi ko alam, Mark. Hindi ko alam…” naiiyak na sinabi ni Lila.
“Lila, alam kong biglaan ito. Hahayaan muna kitang…”
“Hindi mo alam! Hindi ko alam! Wala kang alam…”
Tumayo na si Lila upang umalis. Dali-dali siyang lumakad palayo.
“Lila, sandali!” ngunit hindi na hinabol pa ni Mark si Lila.

Sa kanyang pagkalito, pinili muna ni Lilang mapag-isa. Ngunit alam niyang mas malulungkot lang siya kung mag-iisa lang siya, kaya’t mas pinili niyang puntahan si Anton sa bar. Pagdating niya doon, wala si Anton. Kaya naisip niyang pumunta sa café.
“Anton…”
“Lila? Akala ko ba may lakad ka ngayon?”
“Uh… Basta, mahabang kuwento.”
“Sige, makikinig ako.”
Nagdalawang-isip muna si Lila kung tama bang ikuwento kay Anton ang mga pangyayari kanina. Ngunit hindi na niya makayanan pa ang nadarama, kaya’t tuluyan na siyang umiyak. Niyakap siya ni Anton.
“Lila, tahan na. Ano bang nangyari?”
At sinabi niyang lahat kay Anton ang nangyari, pati ang tungkol sa itim na rosas.
“E ‘di kung nagtapat naman na pala siya sa’yo, bakit hindi ka masaya?”
“Dahil…” Pinigil ni Lila ang sarili. “Basta.”
“Lila, kung may pumipigil man sa iyong tanggapin ang kanyang pag-ibig, kailangan timbangin mo muna kung anong mas mahalaga sa dalawa: siya ba, o ang bagay na ito.”
Itinaas ni Lila ang ulo na waring interesado sa nais sabihin ni Anton.
“Tingnan mo ako, Lila. Kaya ako bulag ay dahil pinili kong maging ganito, para sa isang mas mabigat na dahilan.”
“Ano?” Matagal nang magkakilala sina Anton at Lila, pero ni minsan hindi siya nagbanggit ng kahit ano tungkol sa kanyang pagkabulag. Ngayon lamang nalaman ni Lila ang tungkol sa bagay na ito.
“Totoo. Ngunit hindi pa ako handang sabihin sa’yo kung ano talaga ang nangyari.”
Napayukong muli si Lila.
“Lila, ang punto ko lang naman ay… Sundin mo kung anong mas mahalaga para sa puso mo. At magiging masaya ka.”
Niyakap ni Lila si Anton. “Buti na lang at nandito ka, Anton.”
Malungkot na ngumiti si Anton.

Ilang araw na ang lumipas mula nang magtapat si Mark kay Lila, ngunit hanggang ngayo’y wala pa rin siyang naririnig mula rito.
“Lila, akala ko ba mahal ka niya? Bakit hindi ka niya sinundan?” tanong ni Wendy isang araw sa trabaho.
“Hindi ko alam, Wendy,” ang sagot ni Lila.
“E Lila, mahal mo ba naman si Mark?” tanong naman ni Leti.
Hindi makasagot si Lila.
“Baka naman kasi in love ka na kay Anton mo. Siya na lang parati ang nakikita kong kasama mo ‘pag lunch break at coffee break, a,” sambit ni Leti.
“‘Wag ka ngang magpatawa, ano namang mapapala ni Lila sa isang bulag na tulad niya? Buti pa si Mark, isang doktor,” singit naman ni Wendy.
“‘Wag na ‘wag mong iinsultuhin si Anton, dahil mas kaibigan ko pa siya kaysa sa’yo.” At tumalikod na si Lila patungo sa kanyang opisina.

Sa loob, napaisip si Lila kung totoo nga ba ang sinabi Leti. Mahal na nga ba niya si Anton?
“E magkaibigan lang kami,” sabi ni Lila sa sarili. “Pero si Mark, mahal ako ni Mark.”
Pero si Anton na rin ang nagsabi, sundin niya ang puso niya. Gulong-gulo na si Lila.
Biglang tumunog ang cellphone ni Lila. Tumatawag si Mark.
Nagdesisyon na si Lila. Sinagot niya ang tawag.
“Mark…”
“Lila?”
“…magkita tayo mamaya, sa restaurant ring iyon.”

Kinahapunan, nagmeryenda sina Anton at Lila sa café. Nagkukuwentuhan sila, gaya ng dati, ngunit parang kinakabahan ang boses ni Anton tuwing siya’y nagsasalita. Napansin ito ni Lila.
“Anton, ba’t parang kinakabahan ka? Anong nangyari sa’yo?”
“A, e, wala naman…” sagot ni Anton.
“Anong wala?”
Huminga ng malalim si Anton. “Lila, may gusto sana akong sabihin sa’yo.”
“Ano ‘yun?”
“Lila… Naaalala mo nung kinuwento mo sa akin na naaksidente ka noong isang taon sa LRT?”
“Oo, bakit?” Kinakabahan na rin si Lila.
“A, e… Naaalala mo, di’ba kinuwento mo sa akin na muntik ka nang mabulag…?”
“Anton… ayokong pag-usapan ito.”
Huminga muli ng malalim si Anton. “Lila, makinig ka muna. Kaya ko ito nabanggit ay dahil may ipagtatapat ako sa’yo.” Hindi sumagot si Lila, kaya nagpatuloy lang si Anton.
“Noong sumabog ang bomba sa LRT, nasa ospital ang pinakabata kong kapatid. Nabundol siya noong Biyernes ng isang kotseng mabilis ang takbo habang tumatawid siya papuntang eskuwelahan. Wala siyang malay nang isang linggo, ngunit sabi ng doktor magiging maayos na raw ang kanyang lagay. Ewan ko ba kung bakit, pero pagdating ko sa ospital ay nag-aagaw-buhay na raw ang kapatid ko. Kailangan siyang maoperahan agad para madugtungan ang buhay, ngunit wala kaming pangtustos…”
“Teka lang, Anton, bakit mo sinasabi ang mga bagay na ito…?” singit ni Lila.
“Dahil… Dahil kailangan namin ng pera, kailangan kong gumawa ng paraan. Saktong narinig kong naghahanap ng eye donor ang isang Mr. Reyes.”
“Ano?”
“Agad ko siyang nilapitan, at pumayag siyang maging eye donor ako ng anak niya, kapalit ng pagtustos niya sa pagpapaopera ng kapatid ko. Lila, ako ang iyong eye donor.”
“Ano…? Hindi ako makapaniwala…”
“Lila, patawarin mo ako kung ngayon ko lang ito sinasabi. Nang marinig ko ang iyong kuwento, sigurado akong ikaw iyon. Tila pinagtagpo tayo ng pagkakataon para magkakilala’t maging magkaibigan.”
“At para makapagpasalamat ako sa’yo…”
“At para mahalin kita.”
“Ano?”
Tama ba ang narinig ni Lila? Sinabi ni Anton na mahal niya si Lila. Tumulo ang luha ni Lila nang marinig niya iyon.
“Alam kong mahal mo si Mark, pero nais ko lang namang ipaalam sa’yo bago ka mapunta sa kanya. Patawarin mo ako, Lila.”
Tumayo si Lila nang luhaan. Gulung-gulo ang isip niya. “Kailangan ko nang umalis, may lakad pa ako.”
“Lila…”
“Kailangan ko nang umalis…”
Paglakad ni Lila, nahulog ang isang maliit na itim na rosas sa sahig, at tinangay ng hangin palabas ng pintuan.

“Ano nang gagawin ko? Hilong-hilo na ako, litong-lito na ako!” sinasabi ni Lila habang lumalakad papunta sa kanto. Maraming kotse ang dumadaan, ngunit wala ni isang taxi.
“Mahal ko si Anton, hindi si Mark! Pero naghihintay si Mark sa akin ngayon. Pa’no na ‘to?”
Sa wakas, isang taxi ang tumigil sa harap niya. “Manong, sa restaurant na ito po,” at iniabot niya sa driver ang address ng pupuntahan niya.

Pagdating niya doon, pinaghintay ni Lila ang taxi sa labas ng restaurant. “Sandali lang po ako, manong.”
Natanaw agad ni Lila si Mark sa isang mesa sa may bandang likod. Agad siyang umupo.
“Sorry, I’m late. May sasabihin ako, mabilis lang.”
“Lila…” Hawak niya ang mga kamay ni Lila.
“I’m sorry, Mark. Mabait ka sa akin, pero…”
Napabitaw si Mark sa mga kamay ni Lila.
“…pero iba ang mahal ko. Mahal ko si Anton, Mark. Patawarin mo ako.”
Tumayo na si Lila, ngunit hinawakan ni Mark ang kanyang kamay upang hindi siya makaalis. “Lila, don’t do this to me. Mahal na mahal kita.”
“I’m really sorry, Mark. Paalisin mo na ako.”
At bumitaw na si Mark. Natatanaw niya ang likod ni Lila na unti-unting nawawala sa kanyang paningin.

“Manong, sa café po ulit,” sabi ni Lila sa drayber nang makasakay siya ulit.
“Sige po, Ma’am,” sagot ng drayber. “Okay lang po ba kayo?”
“Oho, walang anuman ito.”
Pagbalik, agad siyang pumasok sa loob at nagbabakasakaling naroon pa si Anton. Gaya ng dati, si Anton ay nakaupo pa rin sa kanyang mesa sa sulok, nakadungaw sa bintana.
Hindi pa nakakalapit si Lila nang husto’y nagsalita na si Anton.
“Lila, bumalik ka…”
“Anton…”
“Mahal na mahal kita, Lila.”
“Mahal na mahal rin kita, Anton.”
Tumayo si Anton at niyakap nang mahigpit si Lila. Ngunit bigla silang naghiwalay.
“Pero Lila,” wika ni Anton, “ano na lang ang sasabihin ng mga magulang mo sa ating dalawa? Bulag ako, anong magagawa ko para sa’yo?”
“Wala akong pakialam, basta’t magkasama tayo. Gusto kong magkasama tayo hanggang sa huli kong hininga.”
Hinalikan ni Lila si Anton. Nagpalakpakan ang mga tao sa café.

Makalipas ang limang buwan, halos isang taon mula nang maganap ang pagsabog sa LRT, ikinasal sina Lila Reyes at Anton Alejandro. Sa simula’y hindi matanggap ng pamilya ni Lila na ipinagpalit niya ang isang doktor para sa isang tulad ni Anton. Ngunit nang lumaon, unti-unti nilang nakitang masaya si Lila kay Anton, kaya pumayag na rin silang maikasal ang dalawa. Dahil na rin sa kahilingan ni Anton, ikinasal sila sa huwes.
Nagkaroon rin sila ng isang anak na babae, at pinangalanang siyang Iris.