Tungkol sa blogger

Ginawa ang blog na ito upang magsilbing sisidlan ng marami kong mga ideya tungkol sa iba't ibang mga bagay. Minsan habang naglalakad o kumakain, madalas kapag naliligo, o kahit walang ginagawa at nakahiga lamang sa kama at nakatingala sa kisame, sa mga ganoong pagkakataon ako mas nakakapag-isip-isip. Isang koleksyon ng mga kwento, kathang-isip man o katotohanan, at kahit mga walang kwentang bagay-bagay. Kahit ano, pwede.
- Abigail Jayin

Mga Popular na Post

Blogroll

Oktubre 14, 2011
Ito naman ang pangalawang isinulat ko para sa portfolio project namin sa MP10, isang creative non-fiction. Para itong fusion ng kwento at non-fiction, ngunit mahigpit na sinusundan ang aktwal na datos tungkol sa isang paksa. Para ding malikhaing pagbabalita.

Disclaimer: Lahat ng impormasyong nakasaad sa kwentong ito ay galing dito, at ang kwentong ito ay para lang talaga may maipasa ako sa MP 10.



St. Bernardine of Siena:
Larawan ng Pag-ibig at Malasakit sa Kapwa

Tik-tak-tik-tak. Kanina pa ako nakatitig sa laptop ko, sa blangkong-blangkong puting screen na kaharap ko. Halos pinapanood ko lang na mag-blink ang cursor ko at naghihintay ng maisusulat.
Kailangan ko ng inspirasyon. Ngayon na. At kung hindi, wala akong maipapasa sa Biyernes.

“O, ano ba yan, dalawang oras ka nang nakatitig diyan ah,” bati ni Anjali sa akin pagpasok niya ng silid. “Wala ka pa ring naisusulat?”

“Paano naman ako makakapagsulat, hindi ko alam kung paano sisimulan,” sagot ko naman sa kanya.

“E di ba’t hindi ka magsimula sa ginagawa mo ngayon?”

Mahirap humanap ng inspirasyon sa ating panahon ngayon. Saan man tayo lumingon ay parang puno ng kadiliman. Sa kanan, ang sandamukal na pasakit ng pag-aaral at mga gawaing dapat matapos sa takdang panahon. Sa kaliwa naman, ang temptasyong huwag na lang gumawa ng kahit ano, hayaang bumagsak ang mga grado ko, nang sa gayon ay hindi na ako kailangan pang magpagod. Ngunit siguradong pagsisisihan ko naman sa huli kung susundin ko ito.

Nakakainis kapag nanonood ako ng balita, puro masasamang balita na lamang ang naririnig ko. Nakawan dito, kalamidad doon, pagkamatay ng kung sino dito, pagkasunog ng isang barangay doon. Nakakagalak naman ng puso kapag may nababalitaan akong mga mabubuting nilalang na nagpapakita ng kabutihan sa iba. Kapag may drayber ng taxi ang magbalik ng limpak-limpak na salapi sa may-ari nito, ang ibabansag sa kanya ay “Dakilang Drayber”. Kapag may gurong araw-araw ay gumigising ng pagkaaga-aga upang tumawid ng dalawang ilog at umakyat ng bundok, makapagturo lamang sa mga katutubong Mangyan, ang tawag natin sa kanya’y “Dakilang Guro”. At kapag naman may mamang pulis na nanindigan sa tama at tumangging magpasuhol sa ngalan ng katarungan, ang tawag naman sa kanya’y “Huwarang Pulis”. Ngunit sabi nga sa isang interbyu ng isang drayber dati na nagsauli ng pera sa may-ari nito, “Ano ba’ng pambihira sa ginawa ko, e iyon naman ang tamang gawin, hindi ba? Dapat lang na ibalik sa may-ari ang sa kanya.”

Mga huwarang nilalang. Mga bayani. Mga santo.

Oops, teka lang. Mga santo? E hindi ba’t iyon ang mga nakikita natin sa simbahan, mga nakarebultong nilalang na malamang ay nasa langit na ngayon at kabilang ang mga anghel na umaawit sa Diyos Ama? Paano naman naging santo ang mga pangkaraniwang tao lang?

Si St. Bernardine ng Siena ay ipinanganak noong ika-8 ng Setyembre 1380. Sa murang edad na anim, siya’y maagang naulila at lumaki sa kanyang mga tiyang may takot sa Diyos. Kung tutuusin, siya’y isang normal na bata, walang pinagkaiba sa kanyang mga kalaro, bukod marahil sa paraan kung paano siya pinalaki ng kanyang mga tiya.
 

Bata pa lamang si Bernardine ay kinakitaan na siya ng malambot na puso, lalo na sa mga kapos-palad. Parati siyang nagbibigay ng limos, maski kaunti basta’t may maibigay, sa mga pulubi sa gilid ng simbahan habang ang kanyang tiya ay namamalengke. Bihira rin ang batang tulad ni Bernardine na taimtim na nakikinig ng misa at inuunawa ang bawat salitang namumutawi sa labi ng pari, kaysa sa karamihan ng kanyang mga kaedad na atat na atat nang umuwi upang makapaglaro.
 

Kaya naman hindi na kataka-taka para sa kanyang pamilya nang siya’y magdesisyong sumapi sa Confraternity of Our Lady nang siya’y sumapit ng 17 taong gulang. Ngunit, wala pang tatlong taon ay sinubukan kaagad ang lalim ng kanyang pananampalataya at pagnanais na maglingkod sa kapwa.
 

Taong 1400 ay isang matinding epidemya ang tumama sa bayan ng Siena, isang epidemyang kilala sa tawag na Bubonic Plague na kumitil sa halos anim na pung porseyento ng populasyon ng Europa noong panahong iyon. Sa ospital ng Santa Maria della Scala, kung saan halos dalawampu ang namamatay araw-araw, pinili ni St. Bernardine na mamalagi upang makatulong.
Ang kanyang presensya ay sadyang nakapagpagaan ng kalooban ng mga maysakit doon sa ospital. Higit pa rito, hinimok din niya ang mga tulad niyang kabataan upang maglingkod rin sa nasabing ospital. Halos mag-isa niyang pinatakbo ang ospital, habang ang kanyang mga kasamahan nama’y tumulong sa pag-aalaga ng mga pasyente at pagpapanatili ng kaayusan sa ospital.
 

“Father, maraming salamat sa pag-aalaga ninyo sa aking anak,” isang ginang ang nagsabi sa kanya. “Kung hindi po dahil sa inyo, hindi madudugtungan ang buhay ng anak ko kahit kaunti.”
 

Ngumiti ang pari sa ginang at kanyang hinawakan ang dalawang kamay nito. “Ginang, hindi po dahil sa akin, kundi dahil sa Panginoon lamang.”
 

“Hindi po ba kayo natatakot na mahawaan din ng epidemya?” tanong  naman ng isa sa kanya.
 

“Tinawag ako ng ating Diyos upang maglingkod sa mga maysakit. Kung magkasakit din ako’y bahala na ang Maykapal sa akin. Ginagampanan ko lamang ang aking tungkulin. Sa awa ng Diyos, heto at malakas pa rin naman ako.”
 

Ibinigay ni St. Bernardine ang kanyang buong puso at lakas sa pag-aalaga ng mga maysakit, kahit pa ang maging kapalit nito’y ang kanyang sariling kalusugan. Dahil sa kapaguran, unti-unting nanghina ang kanyang katawan at hindi na tuluyan pang gumaling.

Pambihirang tunay kung tutuusin ang mga taong handang unahin ang kapakanan ng ibang tao kaysa sa sarili. Sa mundo kasi natin ngayon, wala nang pakialamanan. “Basta’t tuloy ako sa buhay ko, bahala ka kung anong gagawin mo sa buhay mo,” ang pananaw ng marami sa atin.

Kaya tunay ngang nakakaantig ng puso ang mga kuwento tungkol sa kabayanihan ng ating kapwa. Para bang tayo mismo’y hinahamong isantabi ang ating mga sarili at unahin ang kapakanan ng iba. Minsan, kumain kami ng mga kaibigan ko sa Katipunan, at masaya kaming nagkukuwentuhan habang naglalakad pabalik ng UP.

“Ate, pahingi namang barya,” kalabit sa akin ng isang batang gusgusin at gula-gulanit ang suot.
Ni hindi ko man lang siya tinignan. Ni hindi man lang ako sumagot sa batang iyon. Tuloy lang ako sa pagkukuwento tungkol sa pinakahuling nangyari sa “Mula sa Puso”. At tuloy lang din ang mga kaibigan ko sa pagtatawanan.

Wala ba akong barya? Meron. Ngunit bakit hindi ako nagbigay kahit piso man lang? Dahil wala akong pakialam. Nakakalungkot mang isipin, ngunit hindi ako nag-iisa. Mayayaman ang mga tao sa Katipunan, kaunti lang ang mga tulad naming naglalakad sa daan, dahil ang karamihan ay de-kotse. Ngunit halos sigurado akong hindi pa nakaka-treinta pesos man lang sa isang araw ang batang iyon.

Para saan pang tinawag ako, tayo, na mga Iskolar ng Bayan, kung hindi naman natin dama ang pulso ng bayan? Oo, hindi maiaahon ng kakarampot na barya sa kahirapan ang batang iyon, ngunit ibig sabihin ba noo’y magbubulag-bulagan na lamang tayo sa kanilang mga pangangailangan? Hindi. Dahil biniyayaan ako ng Diyos ng katalinuhan, gagamitin ko ang kanyang mga regalo sa akin upang mas makatulong sa iba. At, higit sa lahat, upang himukin din ang iba na mas maging mapagmalasakit sa kapwa.

Hindi lamang sa loob ng mga dingding ng simbahan nagbibigay ng sermon si Father Bernardine. Nagtutungo siya kung saan maraming tao: sa mga plaza o mas madalas ay sa palengke. At bawat sermon niya’y dinudumog ng madla.
 

“Talikuran niyo ang kasalanan, at bumalik kayo sa Diyos. Sa banal na pangalan ni Hesus, ang lahat ay pinatatawad sa kanyang mga kasalanan, kung inyong panghahawakan ang walang hanggang pag-ibig at pagpapatawad ng Diyos!” ang madalas na maririnig sa bibig ng pari. Hinihimok niya ang mga taong bumalik sa pagkatakot sa Diyos, at iwan nang tuluyan ang buhay na makasalanan.
 

Dahil biniyayaan ng Diyos ng natural na talento sa pagsasalita si Father Bernardine, marami sa mga nakikinig sa kanya ang nahihimok na magbagong-buhay. Noong kanyang panahon, maraming bahay-aliwan at bahay-pasugalan ang nagsara, nang unti-unting maubos ang mga parokyano nito at dahan-dahang napuno muli ang kapilya. Mabuti ang pagbabagong ito, ngunit sa kabilang banda, marami naman ang nawalan ng kabuhayan.
 

Minsa’y may isang lalaking lumapit kay Father Bernardine. “Padre,” sabi nito, “salamat sa mga sermon mo, ako at ang pamilya ko ngayo’y parati nang nagsisimba.”
 

“Salamat sa Diyos, kapatid,” ang tugon ni Father Bernardine.
 

“Ngunit, Padre, dahil din sa mga sermon mo ay nawalan ako ng trabaho. Gipit kami ngayon at hindi namin alam kung saan kukunin ang pang-araw-araw na mga pangangailangan.”
 

“Ano ba ang trabaho mo dati?” tanong sa kanya ng pari.
 

“Tagapinta po ng mga baraha.”
 

“Mula ngayon, ikaw na ang gagawa ng mga emblema ng Banal na Pangalan ni Hesus,” ang sabi sa kanya ng butihing pari. At dahil sa patuloy ang mga sermon ni Father Bernardine tungkol sa Banal na Pangalan ni Hesus, parami nang parami ang bumibili ng emblema sa dating tagapinta lamang ng mga baraha. Unti-unti, ang lalaking ito’y nakapagpundar at naiahon sa hirap ang pamilya.

Sabi sa isang lumang kawikaan, “Bigyan mo ng isda ang isang tao at makakakain siya sa isang araw. Turuan mo siyang mangisda at makakakain siya araw-araw.” Higit pa sa pagtugon sa pangangailangan ang ginawa ni St. Bernardine; binigyan niya ng kabuhayan ang taong iyon. Higit na marami pa kaysa dito ang mga buhay na tinulungang baguhin ni St. Bernardine, sa totoo lang. Ngunit, hindi talaga maiiwasan ang isang maitim na katotohanan sa mga tao.

Dahil sa mabilis na pagsikat ni Father Bernardine at ng kanyang mga sermon, dumami rin ang mga pumuna at tumuligsa sa kanya. Inakusahan siyang heretiko at nagpapalaganap ng pagsamba sa diyos-diyosan, dahil sa pagsikat ng emblema ng IHS, o ang Banal na Pangalan ni Hesus.
 

Ipinatawag si Father Bernardine sa Roma upang imbestigahan at ilitis, ngunit sa huli’y napatunayang siya ay inosente. Higit pa rito, lubhang nabilib sa kanyang mga sermon ang Santo Papa kaya inimbitahan pa siyang mangaral sa Roma. Ngunit hindi pa rin natahimik ang mga tumutuligsa sa kanya, hanggang sa nagpalabas ng isang papal bull ang Santo Papa hinggil sa pagiging inosente ng pari.

Talaga nga naman ang tao, habang dumarami ang humahanga sa iyo, mas lalo pang marami ang mga taong nais makita ang iyong pagbagsak. Higit sa lahat, dahil gawain ng Diyos ang ipinalalaganap ni St. Bernardine, tiyak na marami talagang hahadlang at pipigil sa paglaganap pa ng salita ng Diyos. Ngunit hindi ito naging hadlang para sa kanya. Ninais ni St. Bernardine na walang rehiyon sa Italya ang hindi makakarinig ng kanyang mga sermon. Hanggang sa huli niyang hininga’y ang tungkulin pa rin niya ang kanyang iniisip: ang ipangaral ang salita ng Diyos sa lahat ng mga tao.

Tinanggihan ni Father Bernardine ang pagkakahalal niyang maging obispo ng Siena noong siya’y nabubuhay pa, dahil sa kanyang puso’y naniniwala siyang ang buong Italya ang kanyang parokya. Taong 1444 nang magtungo si Father Bernardine sa kaharian ng Naples sa Timog Italya. Noong ika-20 ng Mayo, pagdating sa Aquila, kabisera ng rehiyon ng Abruzzo, bumigay na nang tuluyan ang kanyang katawan, at sa edad na 53 siya ay bumalik na sa piling ng Maylikha. Libo-libong tao ang dumagsa sa Aquila upang makiramay at makidalamhati sa pagpanaw ng tinaguriang “Apostle of Italy”.

Hindi kaagad naiuwi sa Siena ang mga labi ni Father Bernardine dahil na rin di maubos-ubos ang mga taong dumayo pa mula sa malalayong lugar masilayan lamang sa huling pagkakataon ang mahal na pari. Para sa marami, maaalala siya bilang ang paring walang takot na nangaral sa mga pampublikong lugar, at tahasang kinundena ang kasamaang nakikita niya sa kanyang paligid. Higit sa lahat, ang iniwang pamana ni Father Bernardine ay ang alaala ng kanyang kabutihan at pagmamalasakit sa kapwa.


Sa totoo lang, kinilabutan ako nang malaman kong ika-20 ng Mayo ipinagdiriwang ang pista ni St. Bernardine. Ika-20 ng Mayo kasi ang aking kaarawan. Isa lamang ba itong paglalaro ng tadhana? Naniniwala akong may malalim na mensahe ang pagkakatulad na ito, hindi lamang sa akin kundi para sa ating lahat.

Hindi natin kailangang maging pari o madre upang maging banal, at higit sa lahat ay hindi natin kailangang maging santo upang makatulong sa kapwa. Ito ang buhay ni St. Bernardine, isang halimbawa ng pag-ibig at malasakit sa kanyang kapwa dahil sa malalim na relasyon niya sa Diyos.

- Isinulat ni Abigail Jayin

2 puna:

Unknown ayon kay ...

thanks for the story it helps me in literature ;)

Alexander Jr. ayon kay ...

MAHUSAY ang pagpili ng mga ideyang itinampok sa kwento. Lubos na naipakita ang katotohanan. Ngunit, mas paigihin pa ang pagkukwento. Isaisip kung mapapanatili ba nito ang interes at damdamin ng mga mambabasa.