Tungkol sa blogger

Ginawa ang blog na ito upang magsilbing sisidlan ng marami kong mga ideya tungkol sa iba't ibang mga bagay. Minsan habang naglalakad o kumakain, madalas kapag naliligo, o kahit walang ginagawa at nakahiga lamang sa kama at nakatingala sa kisame, sa mga ganoong pagkakataon ako mas nakakapag-isip-isip. Isang koleksyon ng mga kwento, kathang-isip man o katotohanan, at kahit mga walang kwentang bagay-bagay. Kahit ano, pwede.
- Abigail Jayin

Mga Popular na Post

Blogroll

Oktubre 7, 2011
Marami kaming mga bagong sinulat para sa MP 10, pero lahat ng iyon ay para na sa portfolio na ipapasa sa pagtatapos ng sem. Uunti-untiin ko ang pagpopost dito. Sa ngayon, heto muna ang isang sanaysay tungkol sa kung bakit ako nagsusulat. Medyo mahaba ito, kaya ipagpaumanhin niyo na.


Pangarap at Misyon
(Kung Bakit/Paano Ako Nagsusulat)

“What do you fear, lady?” he asked.
“A cage,” she said. “To stay behind bars, until use and old age accept them, and all chances of doing great deeds is gone beyond recall or desire.”

Ito ay isang maikling diyalogong hango sa bantog na nobela ng bantog na manunulat na si J. R. R. Tolkien, ang “Lord of the Rings: The Return of the King”. Tinanong ni Aragorn si Eowyn, isang pamangkin ng hari, kung ano ang kinatatakutan niya. Ang kanyang sagot: ang hindi makapag-iwan ng marka sa mundong ito.

Ito rin ang nais ko para sa sarili ko. Nais kong ibahagi ang aking buhay, ang laman ng aking isip, ang tibok ng aking puso, sa pamamagitan ng pagsusulat. Nais kong makaapekto ng maraming buhay, maaaring sa pamamagitan ng pagsusulat ko o dahil mismo sa pagkakakilala nila sa akin. Nais kong maalala bilang isang taong nangahas na gawin ang walang sinuman ang nakaisip pang gumawa. Isang taong may malaking kontribusyon sa sangkatauhan.

~~~
Bata pa lamang ako ay mahilig na akong magbasa. Sabi nga ng nanay ko, wala pa akong walong buwang gulang ay kabisado ko na ang alpabeto. Maaga akong natutong bumasa at sumulat, kaya nagsimula akong mag-aral noong tatlong taong gulang pa lamang ako. Nagsimula akong magbasa ng mga kuwentong pambata, sa Ingles at sa Filipino, hanggang elementarya. Habang ang mga ibang batang kaedad ko ay naglalaro ng piko at tumbang preso sa kalsada, nakadungaw ako sa may bintana at tahimik na nagbabasa.

Pagtungtong ng hayskul, doon lumawak ang mundo ng aking pagbabasa. Sapilitan kaming pinapabasa ng mga classics kahit nakakaantok. Natutunan ko ang mga iba’t ibang anyo ng panitikan: nobela, tula, at maikling kuwento; ang iba’t ibang genre tulad ng drama, romance, historical fiction at sci fi. Dito rin ako nakakilala ng mga tulad kong mahilig rin magbasa. Higit sa lahat, dito ako natutong magsulat.

Marami akong nababasang nobela; ang mga ilan ay paborito ko, habang ang iba nama’y di ko gaanong gusto. Sa mga kuwentong hindi ko masyadong tipo, kadalasan ay dahil hindi ko nagustuhan ang pagtatapos. Minsan, naisip ko na lamang na gumawa ng sarili kong bersyon ng ending. Tutal, kung hindi ko nagustuhan, bakit hindi ko palitan? Ganito ko unti-unting nadiskubre na may kakayahan ako sa pagsulat.

Isa sa mga malalaking impluwensya sa aking pagsusulat ay nagmula rin noong bata pa ako. Naaalala ko dati, sa Channel 7, may isang anime series na ang pamagat ay “Magic Knights Rayearth”. Gustong-gusto ko ang palabas na ito, kaya naman talagang tinatapos ko agad ang mga takdang aralin ko para pagpatak ng alas-5 ay manonood na lang ako ng telebisyon. Dahil gustong-gusto ko ang takbo ng kuwentong ito, naisip kong sumulat din ng sarili kong kuwento. Noong una’y sabik na sabik akong magsulat, ngunit habang tumatagal ay napapagtanto kong mahirap pala ang pagsusulat, kaya itinigil ko. May ilan-ilang kuwento rin akong sinimulan ngunit hindi natapos, sa Ingles at Filipino, at bilang lamang talaga ang mga kuwentong natapos ko. At ang mga iyon ay nawala na, dahil nabura na sa luma at sirain naming kompyuter. Sa madaling sabi, wala ni isa sa mga kuwentong naisulat ko noong bata pa ako ang nabubuhay pa hanggang ngayon.

Higit sa lahat, ang pinaka-inspirasyon ko upang ipagpatuloy ko ang pagsusulat ay nagmula sa aking guro sa Ingles noong ikaapat na taon ko sa hayskul. Sa lahat ng naging guro ko, siya lamang ang nagbibigay sa akin ng mga payo tungkol sa aking pagsusulat. Kinakitaan niya ako ng malaking potensyal pagdating sa pagsusulat, at dahil sa kanyang paghihimok ay lalo ko pang pinagbuti ang pagsasanay. Malaking bagay para sa akin ang may isang taong nagtitiwala at naniniwala sa kakayahan ko, kaya para sa aki’y malaking inspirasyon ko talaga ang guro kong ito.

Kaya naman nanghihinayang siyang hindi ako maaaring kumuha ng kursong walang kinalaman sa siyensya o teknolohiya sa kolehiyo, dahil sa isang patakaran para sa mga nagtapos sa mga science high schools. Ngunit siniguro ko sa kanyang hindi ko bibitiwan ang pagsusulat; maaari pa rin naman akong maging manunulat kahit may degri ako sa Physics.

~~~
Isang bagay na napuna ko sa mga taong nakakasalamuha ko sa mundo ng Physics ay hindi sila mahuhusay sa pakikipag-ugnayan sa tao, sa pamamagitan man ng pagsusulat o pagsasalita sa harap ng isang grupo. Matatalino ang mga tao sa Physics, narito ang mga iba’t ibang Gifted Child at Promil Kid, ngunit sa kabila nito, hindi nila kayang ipahayag nang malinaw ang nilalaman ng kanilang isip.

Halimbawa na lamang ang isa kong kaklaseng itago natin sa pangalang Tom. Si Tom ang isa sa mga pinakamagagaling sa klase namin; parati siyang 100 sa mga pagsusulit. Ngunit napakamahiyain niyang tao, hindi siya tumitingin sa mata ng kanyang kausap. Mahiyain din siya pagdating sa pagsasalita sa harap ng klase. At, nahihirapan din siya sa pagsulat ng mga research paper.

Totoo na ibang-iba ang pagsusulat ng research paper sa malikhaing pagsulat, ngunit ang dalawa ay parehong uri ng pagsulat. Dapat ay marunong kang pumili ng pinaka-akmang salita sa bawat pagkakataon. Dapat ay mailagay mo sa papel ang lahat ng laman ng isip mo. At higit sa lahat, dapat malinaw sa kausap mo kung ano ang nais mong ipahiwatig.

Mapalad ako dahil marunong akong magsulat, at sa larangan ng Physics, kapag marunong kang magsulat at magsalita nang mahusay, malayo ang mararating mo. Bakit? Lahat ng tao sa Physics ay matatalino, ngunit iilan lamang ang epektibong naibabahagi sa iba ang kanilang katalinuhan. Ito ang nais kong makamit.

Hindi ko sinasabing napakatalino ko kaya dapat lamang na maintindihan ako ng iba. Maling isipin na ang ibang tao ang dapat na umunawa sa akin kung nais nilang malaman ang aking sinasabi. Sa halip, dapat ay maipaintindi ko sa ibang tao sa simple ngunit epektibong paraan ang mga mahihirap at nakakahilong konsepto sa Physics. Sa ganitong paraan ay mas mapapalawak natin ang ating kaalaman sa siyensya.

Lahat halos ng makakausap ko’y tatanungin ako ng, “Bakit ka nag-Physics? Anong mapapala mo doon? Anong magiging trabaho mo?” Sa totoo lang, napakahalaga ng siyensya sa pag-unlad ng isang bayan. Kung lahat ng mga Pilipino’y maiintindihan ang importansya nito, mas madali nating maaakay ang ating bayan tungo sa pag-unlad.

~~~
Naranasan ko nang magsulat ng iba’t ibang uri ng panitikan. Nagsimula ako sa maiikling kuwento, dahil iyon ang pinakamadaling isulat para sa akin. Sunod ko namang natutunan kung paano magsulat ng mga dula, dahil may pagkakahawig naman ang maiikling kuwento sa mga dula.

Kapag may isang kuwentong nabubuo sa aking isip, kahit gaano ito mukhang walang kuwenta sa simula, ay ililista ko ito sa isang maliit na kwadernong parati kong dala-dala. Kadalasan, may mga ideyang pumapasok sa isip ko habang nakasakay ako sa MRT at nakatulala sa bintana, o kaya nama’y habang naglalakad sa UP patungo sa susunod na klase. Gumagana ang imahinasyon ko base sa mga nakikita’t naririnig ko sa paligid, kaya mas marami akong naiisip na mga ideya kapag ako’y nasa labas kaysa kapag nakakulong lamang ako sa loob ng aking silid. Minsan kapag wala talaga akong magawa, pumupunta ako sa seaside sa may Mall of Asia, titingala sa langit at lalanghapin ang malamig at preskong simoy ng hangin. Habang ang kalooban ko’y napapahinga, doon madalas nabubuo sa akin ang mga katanungan.

Bakit ba ako nandito sa mundo? Ano ba ang layunin ko sa buhay? Para saan o kanino ba ako nagsisikap at nagpapagod upang makatapos sa pag-aaral? Sa ganoong set-up ako talagang nakakapagmuni-muni at nakakapag-isip tungkol sa aking sarili.

Ang isang manunulat ay hindi magiging epektibo kung hindi niya kilala ang kanyang sarili. Isang mahalagang pagsasanay sa akin ang pagsusulat sa isang journal, upang sa pagdaan ng panahon ay nasusubaybayan ko ang mga pagbabagong nagaganap hindi lamang sa aking sarili kundi pati sa aking paligid. Kapag binabalikan ko ang aking journal, nadidiskubre kong ang Abby ngayon ay ibang-iba na sa Abby noong nakaraang taon. Mas marami nang pinagdaraanan, mas marami na ring natututunan.

Nitong Mayo lamang ako nagdiwang ng aking ika-18 taong kaarawan, at siyempre para sa isang babae ay napaka-espesyal ng araw na ito. Ito ang tanda ng pagdadalaga ng isang babae; ang pagtawid mula sa kabataan patungo sa pagiging isang ganap na dalaga. Kung tutuusin ay isang numero lamang ito, at sabi nga sa isang patalastas ng shampoo, ang tunay na edad ay wala sa numero kundi nasa puso. Ngunit kasabay ng pagpapalit ng numerong ito ay ang pagbubukas din ng mga mas marami pang oportunidad para sa akin.

Higit sa lahat, ang pagdadalaga ang nagsilbing palatandaan para sa akin na dapat na akong magseryoso sa aking buhay. Bilang panganay, nasa mga balikat ko ang responsibilidad na balang araw ay susuportahan ko ang aking pamilya, kaya dapat ay mas lalo ko pang pagbutihan ang aking pag-aaral.

At ang pagdadagdag ng isa pang taon sa aking edad ay isang hudyat ng mga bagong karanasang maaring kapulutan ng mas magagandang kuwento.

~~~
Noong ako’y nasa ikaapat na taon sa hayskul, sumali ako sa opisyal na pahayagan n gaming paaralan sa Filipino. Doon ko naman natutunan kung paano gumawa ng kuwentong hango sa totoong buhay. Mali, hindi pala ako gumagawa ng kuwento, kundi nagbabalita ng mga pangyayari.

Isang malaking kaibahan para sa akin na hindi ka maaaring maging mabulaklak sa pagbabalita. Kung dati rati’y sanay ako sa mga makukulay na paglalarawan ng isang eskena o tagpuan, sa pagbabalita’y hindi iyon maari. Halimbawa:

‘Noong ika-27 ng Setyembre ay tumama sa gitnang Luzon ang bagyong Pedring, na nagresulta sa pagkasawi ng 82 katao, pagkawala ng 25 katao, at pagkasira ng mga ari-ariang umabot na sa 9.904 bilyong piso.’

Kung ilalahad ko ito bilang isang kuwento, ganito ang kalalabasan nito:

‘Isang malamig at mahanging umaga, ika-27 ng Setyembre, ang bagyong Pedring ay tumama sa gitnang Luzon. Dalawang taon matapos ang bangungot ni Ondoy, at halos isang taon matapos ang hagupit ni Juan, heto naman si Pedring na humaharurot. Hindi pa lubusang nakakabangon ang mga tinamaan ng dalawang bagyong ito sa Luzon, ngunit may bagong bagyo na namang dumating.

Labis na pinsala ang iniwan ng bagyong Pedring, kung saan ang bilang ng mga namatay ay umabot na sa 82, habang 25 naman ang nawawala. Bukod pa rito, halos 10 bilyong piso na ang halaga ng napinsalang mga pananim, imprastraktura at ari-arian.’

Pareho lamang sila ng inilalarawang pangyayari, ngunit para sa aki’y mas maganda ang pangalawa. Boring ang pagbabalita, dahil wala kang magagawa kundi ilahad ito nang kung paano ba talaga ito nangyari. Kung dadagdagan o babawasan ang balita, hindi na ito makatotohanan pa.

Kaya naman nagdesisyon akong maging contributor na lamang sa Features section, nang sa gayon ay hindi pa rin mabawasan ang kalayaan ko sa pagpili ng paksa, at sa pagsusulat nang walang limitasyon. Ang katwiran ko kasi, bakit pa ako magsusulat kung malilimitahan rin naman ang aking maaaring sabihin? Ang hindi ko alam, isang mahalagang bagay pala ang pagsasanay na natanggap ko sa pagsulat ng balita sa pagsusulat ng mga research paper. Paano kasi, halos ibinabalita mo lang naman talaga kung ano ang ginawa mo, ano ang inaasahan mong mangyayari, at kung ano ang tunay na nangyari.

Hindi ko pa rin binibitiwan ang pagsusulat para sa isang pahayagan hanggang sa ngayon. Sa kasalukuyan, isa ako sa mga staff writers ng Scientia, ang opisyal na pahayagan ng Kolehiyo ng Agham sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Malaking bahagi na talaga ng buhay ko ang pagsusulat, kaya naman hindi ko ito basta-basta na lamang maisasantabi.

~~~
Ang pagsusulat ang nagsisilbing bintana ng iba patungo sa buong pagkatao ng manunulat. Sa bawat salitang sinusulat ko, isang parte ng aking buhay ang naibabahagi ko sa mga makakabasa ng aking isinulat. Kung baga, isang extensyon ng aking pagkatao ang aking pagsusulat.

Hindi ako mahusay, ngunit sinisikap kong pang pagbutihin upang maging isang mahusay na manunulat. Nangangarap ako na balang araw, maraming tao ang matututo at makikinabang sa mga bagay na isinulat ko. Maaring kapulutan ng aral, inspirasyon, o kahit simpleng katuwaan lang. Ang nais ko’y makahipo ng iba sa pamamagitan ng aking pagsusulat. Maipakita sa lahat na ang pagsusulat ay hindi dapat kinatatakutan o iniiwasang gawain. Mahimok silang ipagpatuloy ang pag-abot sa kanilang mga pangarap sa kabila ng anumang balakid.

At higit sa lahat, upang magdulot ng isang malawakang rebolusyon sa paraan ng ating pag-iisip, na ang pinaka-epektibong alagad ng agham ay ang mga taong ibinabahagi ang kanilang nalalaman sa pangkaraniwang tao upang makatulong sa pag-unlad natin bilang isang bansa. Malalaking pangarap, oo, at mahirap tuparin. Ngunit nasimulan ko na, ngayon pa ba ako aatras?

Nagsimula akong magsulat dahil sa aking interes. Ngayon, ipinagpapatuloy ko ang pagsusulat dahil sa aking misyon.

- Isinulat ni Abigail Jayin