Tungkol sa blogger

Ginawa ang blog na ito upang magsilbing sisidlan ng marami kong mga ideya tungkol sa iba't ibang mga bagay. Minsan habang naglalakad o kumakain, madalas kapag naliligo, o kahit walang ginagawa at nakahiga lamang sa kama at nakatingala sa kisame, sa mga ganoong pagkakataon ako mas nakakapag-isip-isip. Isang koleksyon ng mga kwento, kathang-isip man o katotohanan, at kahit mga walang kwentang bagay-bagay. Kahit ano, pwede.
- Abigail Jayin

Mga Popular na Post

Blogroll

Sino ba ang Malikhaing Pinoy?

Kahit sino: lalaki o babae, bata o matanda, may ngipin o wala, payat, mataba, matangkad, pango, atbp. Lahat, pwedeng maging isang Malikhaing Pinoy. Lahat mayroong kapasidad maging isang Malikhaing Pinoy. Ang pagkakaiba lang, hindi mo pa natatagpuan ang iyong potensyal.

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Ang tawag sa akin sa bahay ay Abby. Panganay sa tatlong magkakapatid, nag-aaral sa kolehiyo, at nangangarap maging isang astronomer. May alagang apat na Siamese, stuffed toy na asong ang pangalan ay Miho, at isang glass frame na may paru-paro. Mahilig magsulat, magbasa, kumain, matulog at tumugtog ng gitara. Minsan makikitang umiikot-ikot na parang walang patutunguhan sa Luneta, PICC o MOA Seaside. Ngunit madalas, kahit ayoko, naiipit ng kabi-kabilang mga gawain sa paaralan.

Marami na akong naging blog na kinalimutan ko na, pero ngayon desidido akong ipagpatuloy ang blog na ito. Parang bahagi na rin ng iiwan kong bakas sa mundong ito. Isa sa mga pangarap ko ay maging pelikula ang buhay ko (sino bang hindi nangarap no'n), o kahit man lang MMK. At, sa pamamagitan ng pagsusulat ko, ay maibabahagi ko nang paunti-unti ang buhay ko.

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Maraming naka-impluwensiya sa aking magsimulang magsulat. Noong una'y mahilig lang akong magbasa, ngunit sa dami ng mga nabasa ko na, inasam ko ring makapagsulat ng isang kwentong sing-ganda ng mga nabasa ko.

Mula pagkabata'y mahilig na akong magbasa. Sabi ng nanay ko, walong buwan pa lamang ako'y marunong na akong bumasa ng alpabeto. Tatlong taon ako pumasok ng Nursery, at mula noo'y di na tumigil sa pag-aaral. Syempre, sa simula, mga kwentong pambata ang hilig kong basahin, ngunit habang tumatanda'y lumalawak din ang interes ko sa pagbabasa.

Minsan din nama'y nakakapulot ako ng inspirasyon sa mga napapanood ko sa TV o sinehan, at mas madalang sa mga nilalaro kong RPG. Kadalasan, kapag hindi ko nagustuhan kung paano tinapos ang isang kwento'y gagawa ako ng sarili kong alternate ending. Masaya na ako doon.

Walang limitasyon ang imahinasyon. Ang tanging lumilimita lamang dito'y ang ating mga sarili. Sa sandaling isipin mong hindi mo kaya, sa sandaling tanggapin mo sa iyong sariling wala ka nang igagaling pa, doon lang tunay na humihinto ang pagiging isang Malikhaing Pinoy.

- Abigail Jayin