Tungkol sa blogger

Ginawa ang blog na ito upang magsilbing sisidlan ng marami kong mga ideya tungkol sa iba't ibang mga bagay. Minsan habang naglalakad o kumakain, madalas kapag naliligo, o kahit walang ginagawa at nakahiga lamang sa kama at nakatingala sa kisame, sa mga ganoong pagkakataon ako mas nakakapag-isip-isip. Isang koleksyon ng mga kwento, kathang-isip man o katotohanan, at kahit mga walang kwentang bagay-bagay. Kahit ano, pwede.
- Abigail Jayin

Mga Popular na Post

Blogroll

Oktubre 20, 2011
Nagdiriwang ngayon ng kaarawan ang aking gurong tagapayo, ngunit dahil pinipili niyang hindi siya magdiwang ng kaarawan, hindi ko siya pwedeng batiin. Haha. Tribute ko sa kanya ang post na ito.

Ang tulang ito ay kasama sa mga ipinasa ko sa MP 10 para sa portfolio project namin, at naisip kong ngayon i-post dahil akma sa okasyon. Meron pa akong isang tulang sinulat na siya rin ang inspirasyon, ngunit isinulat ko sa wikang Ingles naman kaya hindi ko na ipo-post dito.

Para sa Aking Gurong Tagapayo

Bihirang-bihira ang gurong tulad mo
Walang katulad sa lahat ng aspeto
Mapalad ang magiging estudyante mo
Lalo na at kung ikaw ang tagapayo

Unang araw pa lamang ng pagkikita
Nagliliwanag ang kanyang mga mata
Ibang klaseng tuwa at sigla ang dala
Sa mga kalul’wang ligaw at tulala

Bihira ang mga taong katulad mo
Handang buksan nang buo ang kanyang puso
Ibahagi ang buhay at pagkatao
Alang-alang sa aming ikakatuto

Kahit pagkain ay kanyang hahatiin
Kaunting pamasahe’y pagkakasyahin
Gutom at antok ay kanyang titiisin
Masiguro lang ang kapakanan namin

Kahit gaano kagulo at kaingay
O kaya naman ang lahat ay matamlay
Walang mga homework at puro alibi
Di nagsasawang magturo at gumabay

Sa hangad na ipagbuti ang sarili
Susuungin ang mga dayuhang lahi
Tanging nais ay matuto nang marami
Upang marami ring maibabahagi

Pangarap ko rin ay maging katulad mo
Di mapigilan ang paghanga sayo
Bata pa’y malayo na ang narating mo
Pambihira ang mga taong tulad mo