Tungkol sa blogger

Ginawa ang blog na ito upang magsilbing sisidlan ng marami kong mga ideya tungkol sa iba't ibang mga bagay. Minsan habang naglalakad o kumakain, madalas kapag naliligo, o kahit walang ginagawa at nakahiga lamang sa kama at nakatingala sa kisame, sa mga ganoong pagkakataon ako mas nakakapag-isip-isip. Isang koleksyon ng mga kwento, kathang-isip man o katotohanan, at kahit mga walang kwentang bagay-bagay. Kahit ano, pwede.
- Abigail Jayin

Mga Popular na Post

Blogroll

Hunyo 6, 2013
Ngayon ay unang araw ng panibagong semestre. Maaga ako nagising dahil ayokong mahuli sa aking major dahil alam ko na ang daratnan kong prof ay walang patawad sa mga mahuhuli. Ngunit hindi siya pumasok sa klase namin ngayon, kaya naman umagang-umaga'y asar na asar ako. Nakuntento ako sa pagbabasa ng Game of Thrones at nanahimik sa isang sulok habang nag-aabang kung talagang hindi na ba darating ang prof ko. Sabagay, doon din naman sa gusaling iyon ang susunod kong klase, kaya hindi na ako lumayo pa.

Ngunit kahit habang nagbabasa, maraming mga kaisipan ang sumagi sa isipan ko. Tulad na lang ng realisasyong graduating na ako.

Tila kailan lang nang ako'y pumasok bilang isang freshie. Hindi ko maitago ang pagkasabik dahil alam kong isang panibagong karanasan na naman ito para sa akin. Handang-handa na akong talikuran ang pagiging hayskul, ang pagiging bata, para sa isang mas malaki (at mas mahirap) na yugto ng aking buhay: ang buhay kolehiyo.

Ang nakaraang apat na taon ko sa premiyadong pamantasan ng Pilipinas ay puno ng kalat-kalat na tagumpay at ilan ding mga kabiguan bilang isang estudyante. Naaalala ko nung unang taon ko, maning-mani ang lahat ng subjects. Pero pagdating ng ikalawang taon, seryosong tinanong ko ang sarili ko kung ano bang ginagawa ko sa Physics. Ngunit ni minsa'y hindi ko pa rin naisip mag-shift. Hindi ko pa rin lubos maisip ang sarili kong may ibang ginagawa bukod sa Physics. Ito ang buhay ko. Ito ang pangarap ko. Kaya kakayanin ko kahit igapang ko pa ito.

Nagkasakit ako at ipinasok nang isang linggo sa ospital noong ikalawang taon ko, kung kailan hirap na hirap ako sa mga asignatura. Habang nasa ospital ako, ang tanging iniisip ko lamang ay kung paano makakahabol sa mga aralin. Isang linggo pa ulit ang lumipas bago ako nakabalik sa klase upang makapagpahinga sa utos ng doktor. May mga mababait na kamag-aral na nagpahiram ng notes nila para makahabol ako, ngunit huli na ang lahat. Noong semestreng iyon ko naranasan ang aking unang kwatro, sa dalawang subject pa. Sinubukan kong bawiin, ngunit masyado rin akong nalunod sa awa sa sarili kaya hindi ko kinaya. Ang totoo, hindi ko talaga kayang mag-isa. Ngunit masyado akong mayabang at ayokong humingi ng tulong sa iba.

Noong nasa ikatlong taon ako, saka lang ako naging malapit sa ibang mga kaklase ko, dahil sa pagsali ko sa isang laboratory sa aming institute. Dito ako tunay na lumago, bilang isang indibidwal hindi lang sa mga aralin, kundi pati rin sa pakikipagkapwa-tao. At sa aking ikaapat na taon, naiahon ko na nang tuluyan ang aking sarili sa nakakatakot na kadiliman ng sariling awa.

Ngayon ay nagsisimula na ang aking ikalima at huling taon sa unibersidad na ito. Patapos na namang muli ang isang yugto ng aking buhay, baon-baon ang mga aral na aking natutuhan habang pinagdaraanan ang iba't ibang pangyayari ng aking buhay. Tulad ng isang tipikal na estudyante, tipikal na teenager, nariyan ang mga puyatang gabi sa paggawa ng lab reports at technical papers, pag-aaral hanggang sa wala ka nang maaral pang iba para sa isang pagsusulit, tawanan at tampuhan ng barkadahan, pagkabiyak at muling pagkabuo ng puso, at marami pang mga alaala. Higit sa lahat. marahil ang pinakamaaalala ko ay kung paano ako natutong mahalin ang sarili ko. Na akong una sa lahat ang dapat na nakakaalam ng tunay kong mga kakayahan, at na walang lugar ang sariling awa. Totoo, hindi ako perpekto, at marami akong mga pagkukulang, ngunit alam ko sa sarili ko na may mga bagay na ako lang ang nakakagawa, at ipinagmamalaki ko ang sarili ko para doon. Hindi ako nagmamayabang, ngunit nais ko lang ibahagi sa iba kung sino at ano ako. Na ako bilang si Abby ay may maibabahagi rin sa mundo at sa bansang ito na aking minamahal pagkatapos ng limang taong pagpapagal.

1 puna:

franzine ayon kay ...
Naalis ng may-ari ang komentong ito.