Tungkol sa blogger

Ginawa ang blog na ito upang magsilbing sisidlan ng marami kong mga ideya tungkol sa iba't ibang mga bagay. Minsan habang naglalakad o kumakain, madalas kapag naliligo, o kahit walang ginagawa at nakahiga lamang sa kama at nakatingala sa kisame, sa mga ganoong pagkakataon ako mas nakakapag-isip-isip. Isang koleksyon ng mga kwento, kathang-isip man o katotohanan, at kahit mga walang kwentang bagay-bagay. Kahit ano, pwede.
- Abigail Jayin

Mga Popular na Post

Blogroll

Agosto 30, 2011
Sumulat kami ng dagli, isang uri ng maikling kwento, base sa isang artikulong lumabas sa pahayagan. Mayroon na akong napili, isang kwento tungkol sa nanalo ng lotto. Naisip ko na kung paano tatakbo ang kwento, ang tagpuan, mga tauhan, at marami pang iba. Ngunit hindi ito inaprubahan ng propesor ko, at wala naman na akong iba pang maisip at mahanap sa mga pahayagan, kaya tuloy siya na lang ang nagbigay sa akin ng susulatin.

Ang napili nya ay walang iba kundi *drumroll* ang pagbabalik ni Nora Aunor sa Pilipinas.

Hindi ako humindi, dahil kahit ayokong isulat 'to, naisip kong isang malaking hamon kung paano ko mapapaganda ang isang kwentong di ko naman ganoon kagustong isulat, kaya ipinagpatuloy ko. Isa pa, bawal na raw magpalit ng paksa. At, matapos ang ilang oras na paghahanap ng materyal sa Internet, narito ang aking nabuong kwento.

Ang Pagbabalik

“Ding-ding, dong-dong!” tunog ng PA system, at pagkatapos ay malambing na boses ng isang babae ang narinig. “We will be landing in Manila in fifteen minutes. Please go back to your seats and fasten your seatbelts. Thank you for choosing to fly with us. Please call on any flight attendant nearby if you need assistance.”

“Nora, huy, Nora,” yugyog ni Suzette sa tinaguriang Superstar. “Malapit na raw tayo dumating sa Manila.”

Pupungay-pungay at humihikab na tumango si Nora. Sa wakas, pagkalipas ng walong taon, ay nakabalik na rin siya sa bansa. Matagal na rin niyang inasam ang araw na ito, na muling makatapak sa tinubuang lupa, makita ang mga mahal sa buhay, at balikan ang industriyang kaniyang nilisan. Ngunit napakatagal na ng walong taon; kung anumang pagkasabik ang nadarama niya ngayon ay unti-unti itong napapalitan ng kaba at takot.

Tanggap pa rin kaya siya ng pamilya niya? Nandiyan pa rin ba ang kanyang mga tagahanga? May naka-miss ba talaga sa kanya, o baka naman tuluyan na siyang kinalimutan ng taumbayan?

Bawat hakbang pababa ng eroplano at papasok ng paliparan ay kumakabog ang dibdib ni Nora. Hindi niya alam kung anong aasahan, o kung may aasahan pa nga ba. Kaunting hakbang na lang at palabas na siya ng airport, kung saan naghihintay ang mga taong inaabangan ang pagdating ng kanilang mga mahal sa buhay.

Walang pagsidlan ang tuwa at pagkamangha sa puso ni Nora nang lumabas siya at nakita ang tapat niyang mga tagahangang buong gabing nag-abang sa kanyang pagbabalik. Isang malakas na hiyawan ang umalingawngaw sa buong paliparan habang siya’y papalapit. Kinawayan niya ang mga fans, at muling umingay ang hiyawan ng mga ito.

Papasok na si Nora sa sasakyang nag-aabang para sa kanya, ngunit hindi pa rin nauubos ang mga mamamahayag na nais makuhaan ng larawan maski man lamang ang kanyang balikat. Walang sawang kumaway at ngumiti pa rin si Nora sa lahat; sabagay, utang niya sa mga taong ito na patuloy pa ring nagtitiwala sa kanya kung bakit siya nakabalik sa Pilipinas.

Unti-unting bumilis ang sasakyan, at palayo na sina Nora at kanyang mga kasama sa kanyang mga tagahangang di pa rin natitinag sa paghiyaw at pagpalakpak para sa kanilang idolo. Sa loob ng sasakyan, walang tigil din ang usapan ni Suzette at isang tao sa kanyang cellphone. Nang ibaba na niya ang telepono, tinanong siya ni Nora.

“Ano raw ang sabi?”

“Tuloy na tuloy na raw ang presscon mo mamayang tanghali sa EDSA Shangri-La Hotel,” sagot ni Suzette.

Tumango si Nora at lumingon sa bintana ng kotseng sinasakyan. Hindi pa rin nagbabago ang Pilipinas na kanyang nilisan walong taon na ang nakararaan.

“Buti na lang at tapos na iyon, ano?” tanong ni Suzette na tinutukoy ang pagdumog ng mga tao sa kanila sa paliparan.

“Hindi, Suzette, nagsisimula pa lang ulit ang lahat,” sagot ng Superstar. “Sa pagbabalik ko, sisiguraduhin kong hindi mabibigo ang mga taong hindi nagsawang sumuporta sa akin.”