Tungkol sa blogger
Ginawa ang blog na ito upang magsilbing sisidlan ng marami kong mga ideya tungkol sa iba't ibang mga bagay. Minsan habang naglalakad o kumakain, madalas kapag naliligo, o kahit walang ginagawa at nakahiga lamang sa kama at nakatingala sa kisame, sa mga ganoong pagkakataon ako mas nakakapag-isip-isip. Isang koleksyon ng mga kwento, kathang-isip man o katotohanan, at kahit mga walang kwentang bagay-bagay. Kahit ano, pwede.
- Abigail Jayin
Nakaraan
Mga Popular na Post
-
Ito naman ang pangalawang isinulat ko para sa portfolio project namin sa MP10, isang creative non-fiction. Para itong fusion ng kwento at no...
-
Ngayon ay unang araw ng panibagong semestre. Maaga ako nagising dahil ayokong mahuli sa aking major dahil alam ko na ang daratnan kong prof...
-
Mahilig akong tumugtog ng gitara. Hindi naman ako magaling, at hindi rin naman natutong tumugtog mula pagkabata, pero ito talaga ang hilig k...
-
Marami kaming mga bagong sinulat para sa MP 10, pero lahat ng iyon ay para na sa portfolio na ipapasa sa pagtatapos ng sem. Uunti-untiin ko ...
Blogroll
Hunyo 5, 2013
“Siya nga pala,
may itatanong sana
ako. Sana ‘wag
mong masamain or something,” wika ni Lila.
“Sige, ano
iyon?” mahinang tanong rin ni Anton.
“Uh…” Biglang
natigilan si Lila. Hindi niya alam kung paano sisimulan ang tanong nang hindi
makakasakit ng sinuman.
“’Wag kang
mahiya, Lila. Nais mo ba akong tanungin kung bakit ako nabulag?”
“Hindi naman,
Anton. Gusto ko lang sanang itanong… Bakit ka laging nakatingin sa labas? E
di’ba…”
“…bulag ako?”
ang tapos ni Anton sa pangungusap ni Lila. Napatakip si Lila sa kanyang bibig.
Tumingin muli si
Anton sa labas. Napansin na ni Lila sa wakas ang tinitingnan ni Anton.
“Halos apat na
buwan na,” simula ni Anton, “nang mawala ang aking paningin. Isa akong
gitarista at lead vocalist sa isang banda dati. Doon
kami laging tumutugtog sa bar na katabi ng malaking building na katapat ng café
na ‘to. Dahil sa nangyari sa akin, tinanggal ako sa grupo namin. Kahit hindi
naman nito naapektuhan ang aking pagtugtog at pagkanta, pinilit pa rin nilang
wala na akong magagawa para sa banda.” Dito’y halos mangiyak-ngiyak na tinapos
ni Anton ang kanyang kuwento.
“I’m sorry…”
“Wala kang dapat
ipag-sorry. Pasensya na kung masyado akong malungkot.”
Gusto sanang
pagaanin ni Lila ang loob ni Anton, ngunit hindi niya alam kung paano. Naisip
niyang kausapin na lamang si Anton.
“So… Namimiss mo
ngayon ang pagtugtog at pagkanta kasama ng iyong banda? Kaya parati kang
nakatingin sa bar kung saan ka dating nagtatrabaho?”
“Siyempre naman.
Iyon lang ang tangi kong trabaho. Iyon lang ang alam kong gawin. Kaya halos
gumuho ang mundo ko nang malaman kong tanggal na ako. Pangit raw sa image ng
grupo ang may bulag na miyembro.”
“E ‘di paano ka
na nabubuhay ngayon?” tanong ni Lila. Ngunit naisip niyang hindi yata tamang
itinanong pa niya iyon, kaya napatakip na naman siya sa kanyang bibig.
“Sa kabutihang
palad, binigyan pa ako ng pangalawang pagkakataon ng aming manedyer. Ngayo’y
ako ang sumusulat ng mga kanta ng banda namin.” Pinilit ni Anton ang ngumiti,
kahit bakas na bakas sa kanyang mukha ang lungkot.
Natahimik silang
dalawa. Awang-awa si Lila kay Anton. Hindi maialis sa kanyang isipang maaaring
nangyari rin sa kanya ang kinahinatnan ni Anton. Kaya habang pilit na
ngumingiti si Anton, tumutulo naman ang mga luha ni Lila.
“Lila, ikaw
naman ang magkuwento tungkol sa sarili mo,” sabi ni Anton. “Matagal-tagal na
rin kasi akong walang nakakausap, e.”
Pinunasan ni
Lila ang mga luha sa kanyang mga pisngi. “Anong gusto mong malaman tungkol sa
akin?”
“Kahit anong
gusto mong ipaalam sa akin.”
“Well… Isa akong
empleyado sa malaking building diyan sa tapat,” sabi ni Lila sa kausap.
“Talaga? Anong
ginagawa mo doon?”
“Wala naman
masyado. Basically ako ang tiga-sabi kung pangit o maganda ang mga disenyo
nila. Creative consultant kasi ako.”
“E ‘di mataas
pala ang posisyon mo!” natutwang sambit ni Anton.
“Hindi gaano.
May boss pa rin akong tinitingala.”
“Ahh… Sa totoo
lang, kaya ako pumasok sa pagbabanda ay dahil gusto kong ako ang maging boss ng
sarili ko. Huli na nang malaman kong hindi pala uubra iyon sa totoong buhay.”
“Ikaw naman…”
Wala nang nasabing iba si Lila.
“Anong oras na?”
tanong ni Anton kay Lila. Tumingin si Lila sa orasang nakasabit sa dingding ng
café.
“Mag-aalas
kuwatro na pala,” sagot ni Lila. “Anton, kailangan ko nang umalis, ha. May
trabaho pa kasi ako.”
“Sige lang.
Maraming salamat sa pag-uusap na ito, Lila.” Muli niyang inabot ang kanyang
kamay.
Kinuha ni Lila
ang kamay ni Anton. “Maraming salamat rin, Anton. Hayaan mo, dito na lang ako
makikiupo sa iyo tuwing manananghalian ako.”
Isang masayang
ngiti ang nakita ni Lila sa mga labi ni Anton. Malungkot siyang tumalikod at
unti-unting lumayo sa mesang iyon.
Hindi na muling
nagpalipas ng tanghalian si Lila. Lagi na siyang kumakain sa café na iyon para
lang makakuwentuhang muli si Anton. Di niya maipaliwanag kung bakit, ngunit may
kung ano kay Anton kaya magaan ang loob niya rito.
Parati silang
nagkukuwentuhan tungkol sa iba’t ibang mga bagay. Minsan tungkol sa trabaho ni
Lila, minsan nama’y sa mga kantang isinulat ni Anton para sa banda. Minsan
nga’y inimbitahan pa ni Anton si Lila na manood ng isang gig ng kanyang banda.
“Lila, kung
hindi ka busy ngayon, baka naman puwede kang dumaan sa bar mamayang gabi?”
tanong ni Anton kay Lila. “Kung wala kang gagawin…”
“Mamayang gabi?”
Papayag na sana
si Lila, nang maalala niyang may date pa sila ni Dr. Mark. Nagdalawang-isip siyang
sumagot.
“Bakit, busy ka?
Okay lang naman, e.”
“Uh… Sa susunod
na lang siguro, Anton.” Tila nadurog ang puso ni Lila nang sabihin niya ang mga
salitang ito. Gustong-gusto niyang pumunta kasama si Anton, ngunit hindi na
maaari. Si Mark ang dapat niyang kasama sa gabing iyon.
Malungkot na
ngumiti si Anton. “Okay lang ‘yun, baka mas importante lang talaga ‘yung
pupuntahan mo mamayang gabi.”
Hindi na kumibo
si Lila.
Kinagabihan,
tinawagan ni Dr.
Mark si Lila upang sabihin kung saan sila magkikita. Nagbihis ng maganda si
Lila, dahil sa isang magandang restaurant siya pinapapunta ni Mark.
Magandang-maganda si Lila nang gabing iyon, ngunit ang lahat ng ito’y nalunod
sa kalungkutang nadarama niya.
Pagdating niya
sa restaurant, laking gulat niya nang madatnang walang katao-tao sa loob.
Madilim ang paligid, na iniilawan lang ng mga puting kandilang nakatayo sa mga
kandelabra. Ang buong paligid ay pinalamutian ng mga pula at puting rosas. Humahalimuyak
ang buong restaurant sa amoy ng mga rosas.
Naroon si Mark
sa gitna, naghihintay sa pagdating ni Lila. Malapit sa kanya’y isang banda ng
mga manunugtog ng biyulin. Inabot ni Mark ang kamay ni Lila at nagsayaw sa
romantikong tunog ng musika. Pagkatapos ay umupo sila sa nag-iisang mesa sa
gitna.
“Mark…” simula
ni Lila.
“Lila, alam kong
nakakagulat ang ginawa kong ito, pero gusto kong maging espesyal ang gabing ito
para sa ating dalawa.”
Hindi
makapagsalita si Lila. Tila kinakabahan siya sa kung anong nais sabihin ni
Mark.
“Lila, mula nang
una tayong magkita, nabighani na ako ng iyong ganda. Mula noo’y hindi ka na
nawala sa aking isip. Lagi kitang nakikita sa aking mga panaginip. Ito rin ang
rason kung bakit lagi kitang iniimbitahang lumabas kasama ko.”
Wala pa ring
imik si Lila.
“Lila,” at
kinuha ni Mark ang isang bigkis ng rosas sa kanyang tabi. “para sa’yo ang mga
ito.”
“Salamat,” ang
tanging sagot ni Lila.
Ang bigkis ng
mga bulaklak ay magkasalit na puti at pulang rosas. Malalaki ang mga bulaklak
na ito. Ngunit sa bandang ilalim ng bungkos ay may napansing kakaiba si Lila.
“Ano ito…” sabay
pitas sa isang maliit na rosas.
“Itim?” laking
gulat na nasabi ni Mark. “Sorry, Lila, hindi dapat kasama ‘yan diyan. Baka
naisama lang ng florist.”
“Ano ito?
Masamang pangitain? May mamamatay?”
“Lila, ‘wag ka
ngang mag-isip ng ganyan. Sabi rin nila, ang itim na rosas ay sumisimbolo na
may malalaman kang isang bagay na hindi mo pa alam dati.”
Napatitig si
Lila sa itim na rosas na hawak niya.
“Lila, hindi
‘yan ang mahalaga ngayon, kundi ang sasabihin ko sa iyo.” Inilagay na ni Lila
ang rosas sa kanyang maliit na bag.
“Lila…” sabay
hawak ni Mark sa mga kamay ni Lila, “mahal kita.”
Gulat na gulat
ang mga mata ni Lila. Ngayo’y nagkatotoo na ang matagal na niyang pinapangarap.
Ngunit wala pa rin siyang kibo. Ni hindi man lang siya ngumiti. Tila malungkot
pa rin si Lila kahit natupad na ang kanyang hinihiling noon pa.
“Mark, hindi ko
alam kung anong sasabihin…”
“Sabihin mong
mahal mo rin ako.”
“Hindi ko alam,
Mark. Hindi ko alam…” naiiyak na sinabi ni Lila.
“Lila, alam kong
biglaan ito. Hahayaan muna kitang…”
“Hindi mo alam!
Hindi ko alam! Wala kang alam…”
Tumayo na si
Lila upang umalis. Dali-dali siyang lumakad palayo.
“Lila, sandali!”
ngunit hindi na hinabol pa ni Mark si Lila.
Sa kanyang
pagkalito, pinili muna ni Lilang mapag-isa. Ngunit alam niyang mas malulungkot
lang siya kung mag-iisa lang siya, kaya’t mas pinili niyang puntahan si Anton
sa bar. Pagdating niya doon, wala si Anton. Kaya naisip niyang pumunta sa café.
“Anton…”
“Lila? Akala ko
ba may lakad ka ngayon?”
“Uh… Basta,
mahabang kuwento.”
“Sige, makikinig
ako.”
Nagdalawang-isip
muna si Lila kung tama bang ikuwento kay Anton ang mga pangyayari kanina.
Ngunit hindi na niya makayanan pa ang nadarama, kaya’t tuluyan na siyang
umiyak. Niyakap siya ni Anton.
“Lila, tahan na.
Ano bang nangyari?”
At sinabi niyang
lahat kay Anton ang nangyari, pati ang tungkol sa itim na rosas.
“E ‘di kung
nagtapat naman na pala siya sa’yo, bakit hindi ka masaya?”
“Dahil…” Pinigil
ni Lila ang sarili. “Basta.”
“Lila, kung may
pumipigil man sa iyong tanggapin ang kanyang pag-ibig, kailangan timbangin mo
muna kung anong mas mahalaga sa dalawa: siya ba, o ang bagay na ito.”
Itinaas ni Lila
ang ulo na waring interesado sa nais sabihin ni Anton.
“Tingnan mo ako,
Lila. Kaya ako bulag ay dahil pinili kong maging ganito, para sa isang mas
mabigat na dahilan.”
“Ano?” Matagal
nang magkakilala sina Anton at Lila, pero ni minsan hindi siya nagbanggit ng
kahit ano tungkol sa kanyang pagkabulag. Ngayon lamang nalaman ni Lila ang
tungkol sa bagay na ito.
“Totoo. Ngunit
hindi pa ako handang sabihin sa’yo kung ano talaga ang nangyari.”
Napayukong muli
si Lila.
“Lila, ang punto
ko lang naman ay… Sundin mo kung anong mas mahalaga para sa puso mo. At
magiging masaya ka.”
Niyakap ni Lila
si Anton. “Buti na lang at nandito ka, Anton.”
Malungkot na
ngumiti si Anton.
Ilang araw na
ang lumipas mula nang magtapat si Mark kay Lila, ngunit hanggang ngayo’y wala
pa rin siyang naririnig mula rito.
“Lila, akala ko
ba mahal ka niya? Bakit hindi ka niya sinundan?” tanong ni Wendy isang araw sa
trabaho.
“Hindi ko alam,
Wendy,” ang sagot ni Lila.
“E Lila, mahal
mo ba naman si Mark?” tanong naman ni Leti.
Hindi makasagot
si Lila.
“Baka naman kasi
in love ka na kay Anton mo. Siya na lang parati ang nakikita kong kasama mo
‘pag lunch break at coffee break, a,” sambit ni Leti.
“‘Wag ka ngang
magpatawa, ano namang mapapala ni Lila sa isang bulag na tulad niya? Buti pa si
Mark, isang doktor,” singit naman ni Wendy.
“‘Wag na ‘wag
mong iinsultuhin si Anton, dahil mas kaibigan ko pa siya kaysa sa’yo.” At
tumalikod na si Lila patungo sa kanyang opisina.
Sa loob,
napaisip si Lila kung totoo nga ba ang sinabi Leti. Mahal na nga ba niya si
Anton?
“E magkaibigan
lang kami,” sabi ni Lila sa sarili. “Pero si Mark, mahal ako ni Mark.”
Pero si Anton na
rin ang nagsabi, sundin niya ang puso niya. Gulong-gulo na si Lila.
Biglang tumunog
ang cellphone ni Lila. Tumatawag si Mark.
Nagdesisyon na
si Lila. Sinagot niya ang tawag.
“Mark…”
“Lila?”
“…magkita tayo
mamaya, sa restaurant ring iyon.”
Kinahapunan, nagmeryenda
sina Anton at Lila sa café. Nagkukuwentuhan sila, gaya ng dati, ngunit parang kinakabahan ang
boses ni Anton tuwing siya’y nagsasalita. Napansin ito ni Lila.
“Anton, ba’t
parang kinakabahan ka? Anong nangyari sa’yo?”
“A, e, wala
naman…” sagot ni Anton.
“Anong wala?”
Huminga ng
malalim si Anton. “Lila, may gusto sana
akong sabihin sa’yo.”
“Ano ‘yun?”
“Lila… Naaalala
mo nung kinuwento mo sa akin na naaksidente ka noong isang taon sa LRT?”
“Oo, bakit?”
Kinakabahan na rin si Lila.
“A, e… Naaalala
mo, di’ba kinuwento mo sa akin na muntik ka nang mabulag…?”
“Anton… ayokong
pag-usapan ito.”
Huminga muli ng
malalim si Anton. “Lila, makinig ka muna. Kaya ko ito nabanggit ay dahil may
ipagtatapat ako sa’yo.” Hindi sumagot si Lila, kaya nagpatuloy lang si Anton.
“Noong sumabog
ang bomba sa LRT, nasa ospital ang pinakabata kong kapatid. Nabundol siya noong
Biyernes ng isang kotseng mabilis ang takbo habang tumatawid siya papuntang
eskuwelahan. Wala siyang malay nang isang linggo, ngunit sabi ng doktor
magiging maayos na raw ang kanyang lagay. Ewan ko ba kung bakit, pero pagdating
ko sa ospital ay nag-aagaw-buhay na raw ang kapatid ko. Kailangan siyang
maoperahan agad para madugtungan ang buhay, ngunit wala kaming pangtustos…”
“Teka lang,
Anton, bakit mo sinasabi ang mga bagay na ito…?” singit ni Lila.
“Dahil… Dahil
kailangan namin ng pera, kailangan kong gumawa ng paraan. Saktong narinig kong
naghahanap ng eye donor ang isang Mr. Reyes.”
“Ano?”
“Agad ko siyang
nilapitan, at pumayag siyang maging eye donor ako ng anak niya, kapalit ng
pagtustos niya sa pagpapaopera ng kapatid ko. Lila, ako ang iyong eye donor.”
“Ano…? Hindi ako
makapaniwala…”
“Lila, patawarin
mo ako kung ngayon ko lang ito sinasabi. Nang marinig ko ang iyong kuwento,
sigurado akong ikaw iyon. Tila pinagtagpo tayo ng pagkakataon para
magkakilala’t maging magkaibigan.”
“At para
makapagpasalamat ako sa’yo…”
“At para mahalin
kita.”
“Ano?”
Tama ba ang
narinig ni Lila? Sinabi ni Anton na mahal niya si Lila. Tumulo ang luha ni Lila
nang marinig niya iyon.
“Alam kong mahal
mo si Mark, pero nais ko lang namang ipaalam sa’yo bago ka mapunta sa kanya.
Patawarin mo ako, Lila.”
Tumayo si Lila
nang luhaan. Gulung-gulo ang isip niya. “Kailangan ko nang umalis, may lakad pa
ako.”
“Lila…”
“Kailangan ko
nang umalis…”
Paglakad ni
Lila, nahulog ang isang maliit na itim na rosas sa sahig, at tinangay ng hangin
palabas ng pintuan.
“Ano nang
gagawin ko? Hilong-hilo na ako, litong-lito na ako!” sinasabi ni Lila habang
lumalakad papunta sa kanto. Maraming kotse ang dumadaan, ngunit wala ni isang
taxi.
“Mahal ko si
Anton, hindi si Mark! Pero naghihintay si Mark sa akin ngayon. Pa’no na ‘to?”
Sa wakas, isang
taxi ang tumigil sa harap niya. “Manong, sa restaurant na ito po,” at iniabot
niya sa driver ang address ng pupuntahan niya.
Pagdating niya
doon, pinaghintay ni Lila ang taxi sa labas ng restaurant. “Sandali lang po
ako, manong.”
Natanaw agad ni
Lila si Mark sa isang mesa sa may bandang likod. Agad siyang umupo.
“Sorry, I’m
late. May sasabihin ako, mabilis lang.”
“Lila…” Hawak
niya ang mga kamay ni Lila.
“I’m sorry,
Mark. Mabait ka sa akin, pero…”
Napabitaw si
Mark sa mga kamay ni Lila.
“…pero iba ang
mahal ko. Mahal ko si Anton, Mark. Patawarin mo ako.”
Tumayo na si
Lila, ngunit hinawakan ni Mark ang kanyang kamay upang hindi siya makaalis.
“Lila, don’t do this to me. Mahal na mahal kita.”
“I’m really
sorry, Mark. Paalisin mo na ako.”
At bumitaw na si
Mark. Natatanaw niya ang likod ni Lila na unti-unting nawawala sa kanyang
paningin.
“Manong, sa café
po ulit,” sabi ni Lila sa drayber nang makasakay siya ulit.
“Sige po,
Ma’am,” sagot ng drayber. “Okay lang po ba kayo?”
“Oho, walang
anuman ito.”
Pagbalik, agad
siyang pumasok sa loob at nagbabakasakaling naroon pa si Anton. Gaya ng dati, si Anton ay
nakaupo pa rin sa kanyang mesa sa sulok, nakadungaw sa bintana.
Hindi pa
nakakalapit si Lila nang husto’y nagsalita na si Anton.
“Lila, bumalik
ka…”
“Anton…”
“Mahal na mahal
kita, Lila.”
“Mahal na mahal
rin kita, Anton.”
Tumayo si Anton
at niyakap nang mahigpit si Lila. Ngunit bigla silang naghiwalay.
“Pero Lila,”
wika ni Anton, “ano na lang ang sasabihin ng mga magulang mo sa ating dalawa?
Bulag ako, anong magagawa ko para sa’yo?”
“Wala akong
pakialam, basta’t magkasama tayo. Gusto kong magkasama tayo hanggang sa huli
kong hininga.”
Hinalikan ni
Lila si Anton. Nagpalakpakan ang mga tao sa café.
Makalipas ang
limang buwan, halos isang taon mula nang maganap ang pagsabog sa LRT, ikinasal
sina Lila Reyes at Anton Alejandro. Sa simula’y hindi matanggap ng pamilya ni
Lila na ipinagpalit niya ang isang doktor para sa isang tulad ni Anton. Ngunit
nang lumaon, unti-unti nilang nakitang masaya si Lila kay Anton, kaya pumayag
na rin silang maikasal ang dalawa. Dahil na rin sa kahilingan ni Anton,
ikinasal sila sa huwes.
Nagkaroon rin
sila ng isang anak na babae, at pinangalanang siyang Iris.
Kategorya:
kwento
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
0 puna: