Tungkol sa blogger

Ginawa ang blog na ito upang magsilbing sisidlan ng marami kong mga ideya tungkol sa iba't ibang mga bagay. Minsan habang naglalakad o kumakain, madalas kapag naliligo, o kahit walang ginagawa at nakahiga lamang sa kama at nakatingala sa kisame, sa mga ganoong pagkakataon ako mas nakakapag-isip-isip. Isang koleksyon ng mga kwento, kathang-isip man o katotohanan, at kahit mga walang kwentang bagay-bagay. Kahit ano, pwede.
- Abigail Jayin

Mga Popular na Post

Blogroll

Hulyo 12, 2011
Bukas ay ipapasa ko ito sa aming propesor. Noong makalawa pa niya ito ibinigay, ngunit katatapos ko lang ngayon at mainit-init pa ang mga tulang ito. Kung anu-ano lang ang naisulat ko; basta kung anong unang pumasok sa utak ko, yun na lang. Ang pinakamahirap na bahagi ay ang pagtutugma (rhyming). Gayunpaman, nasiyahan naman ako sa paggawa ng mga 'to, at nasiyahan naman ako sa resulta ng pagpapagod ko.


Paulit-ulit

Paikot-ikot, saan ba’ko patungo?
Patingin-tingin, ano bang aking gusto?
Palakad-lakad, gaano ba kalayo?
Pahikab-hikab, hanggang kailan ba ito?

Sawa na sa paulit-ulit na buhay
Sa mga araw-araw na walang kulay
Palagi-lagi na lamang akong matamlay
Damang-damang parang wala akong saysay

Paulit-ulit na lang ba’kong ganito?
Ayoko na, tama na, sawa na ako
Nais kong magbago takbo ng buhay ko
Alam kong malayo ang mararating ko

Paikot-ikot, ngayon ay may direksyon
Palakad-lakad, tungo sa aking misyon

Ito ang unang komposisyon ko para sa MP10. Sinimulan ko itong isulat habang sinasagutan ang problem set namin sa Physics 131. Naisip ko, ang hirap-hirap pala talagang mag-aral. Sa labingwalong taon ng buhay ko, labinlima doon inilagi ko sa loob ng paaralan. Kailan ba matatapos? Kaya naman, heto ang naging resulta. Ang sunod nama'y mahaba-haba.


Misteriyo

Mahilig akong magtanong
Kapag mayroong di ko naintindihan
Walang bagay ang aking pinalalampas
Nang hindi nabibigyan ng kasagutan

Sa pagtatanong, maraming naiinis
Nakakaubos daw ako ng pasensya
Marahil ay hindi lang alam ang sagot
Kaya iniiwasan ang mga tanong ko

Ngunit sa pagtatanong ko, di inaasahang
May malamang di ko naman ginusto
Isang araw pag-uwi ko galing paaralan
Hinahanap ko ang pusa kong si Miming

Ilang ulit kong tinanong si Inay
Baka alam niya kung saan nagtatago
Ilang ulit din siyang hindi umiimik
Iyon pala’y may tinatago

Nakalabas ng bahay ang pusa ko
Hinanap namin ngunit di na makita
Naghihintay buong gabi sa kanyang pag-uwi
Ngunit kailan ma’y di na nagbalik

O, misteriyo ng buhay ko
Bakit ba nagtanong pa ako?

Pinakamabilis ko naman itong naisulat. Tuluyan kasi at walang pagpapantig o tugmaan. Kaya para sa akin, mas mabilis. Inspirasyon ko rito ang una kong alagang pusa na si Miming. Marami pa akong naging alagang pusa, ang ilan sa kanila'y nawala rin, habang ang ilan ay nandito pa't patuloy na dumarami. Sa ngayon ay mayroon kaming limang Siamese na pusa sa bahay.

At heto ang ikatlo, ang pinakamaikli, at para sa akin, ang pinaka-nakakatawa.


Pustura

Neneng, saan ka papunta?
Bihis na bihis ka yata
Nag-ayos pa’t naka-bakya
Kumakaway sa binata
Mamamalengke lang pala

Bigla lang pumasok sa isip ko ang salitang "Pustura", at tuluy-tuloy nang dumaloy ang mga salita mula sa aking isip. Kaya hayan, mayroon na akong tatlong tula. Oo nga pala, babasahin daw namin sa klase ito. Kaya kung may mga balak kumopya sa akin, pasensya na lang kayo, tinatatakan ko na ang mga ito na pag-aari ko. :)