Tungkol sa blogger

Ginawa ang blog na ito upang magsilbing sisidlan ng marami kong mga ideya tungkol sa iba't ibang mga bagay. Minsan habang naglalakad o kumakain, madalas kapag naliligo, o kahit walang ginagawa at nakahiga lamang sa kama at nakatingala sa kisame, sa mga ganoong pagkakataon ako mas nakakapag-isip-isip. Isang koleksyon ng mga kwento, kathang-isip man o katotohanan, at kahit mga walang kwentang bagay-bagay. Kahit ano, pwede.
- Abigail Jayin

Mga Popular na Post

Blogroll

Nobyembre 14, 2011
Ayan, opisyal nang nagsimula ang ikalawang sem sa taong ito. At syempre, marami ring mga bagong mangyayari sa hinaharap.

Buong sembreak wala akong ginawa kundi magtrabaho, at saka ko lang napagtanto na ang sembreak ay dapat ginugugol sa pagpapahinga at hindi sa pagtatrabaho. Kaya naman napag-isipan kong maging abala.



Una, bumili ako ng bagong sketch pad, isang HB pencil at 3B pencil. Matagal na rin kasi akong hindi nakakapag-sketch, mula high school pa, kaya naisip kong balikan ang kinalimutan ko nang pampalipas-oras. Natuwa naman ako sa resulta, dahil mukhang hindi ko pa naman siya talagang nakakalimutan. Hay, kapag nga naman gusto mong makalimot, hindi mo nagagawa. Haha.

Pangalawa, marami akong nabasang mga nobela mula noong sembreak hanggang ngayong linggo. Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom, at pakiramdam ko sobra akong nakaka-relate. (Saka ko na ikukwento.) Sinubukan ko ring basahin ulit ang paborito kong Les Miserables pero nabigo ako. Masyado kasing mahaba.

Ngayong linggo ay wala pa kasing masyadong ginagawa, kaya naghanap ako ng pwedeng basahin, at may nakita akong Redeeming Love ni Francine Rivers. Sobrang na-touch ako ng nobelang ito, at mairerekomenda ko ito sa lahat. Siguro sa susunod maglalagay ako ng parang book review posts para sa mga mababasa kong nobela.

At, lumabas na rin pala ang pinakahihintay kong Son of Neptune ni Rick Riordan, awtor ng sikat na Percy Jackson and the Olympians series at ngayon ay Heroes of Olympus series, na sequel noong naunang series. Sa mga hindi pamilyar, ito ay parang "Greek mythology infused in modern times" na kwento, mga teenagers ang bida, at fantasy-adventure ang genre. Na ibig sabihin ay talagang tipo ko.

At syempre, kapag nakakapagbasa ako ng mga bagong nobela, marami rin akong naiisip na mga bagong ideya para sa mga bagong kwentong gusto kong isulat. Inilista ko na yung mga iyon, at sana lang talaga makapagsimula na ako, lalo na't hindi pa masyadong tambak ang ginagawa sa eskwelahan ngayon.

Sa mga susunod na post, inaasahan ko nang may bago akong kwentong maisusulat. :)