Tungkol sa blogger
Ginawa ang blog na ito upang magsilbing sisidlan ng marami kong mga ideya tungkol sa iba't ibang mga bagay. Minsan habang naglalakad o kumakain, madalas kapag naliligo, o kahit walang ginagawa at nakahiga lamang sa kama at nakatingala sa kisame, sa mga ganoong pagkakataon ako mas nakakapag-isip-isip. Isang koleksyon ng mga kwento, kathang-isip man o katotohanan, at kahit mga walang kwentang bagay-bagay. Kahit ano, pwede.
- Abigail Jayin
Nakaraan
Mga Popular na Post
-
Ito naman ang pangalawang isinulat ko para sa portfolio project namin sa MP10, isang creative non-fiction. Para itong fusion ng kwento at no...
-
Ngayon ay unang araw ng panibagong semestre. Maaga ako nagising dahil ayokong mahuli sa aking major dahil alam ko na ang daratnan kong prof...
-
Mahilig akong tumugtog ng gitara. Hindi naman ako magaling, at hindi rin naman natutong tumugtog mula pagkabata, pero ito talaga ang hilig k...
-
Marami kaming mga bagong sinulat para sa MP 10, pero lahat ng iyon ay para na sa portfolio na ipapasa sa pagtatapos ng sem. Uunti-untiin ko ...
Blogroll
Mayo 22, 2013
Mata ng Pag-ibig (Part 1)
Halos mag-iisang
linggo na sa ospital si Lila ngunit wala pa ring nahahanap na eye donor. Inip
na inip na si Lila sa kahihintay. Nawawalan na siya ng pag-asang makakakita pa
siyang muli.
“Ma, bakit wala
pa rin akong eye donor? Nasaan na po ba si Papa?” kinakabahang tanong ni Lila.
“Lila, mahirap
makahanap ng donor. Pero ‘wag kang mawalan ng pag-asa; lahat ay ginagawa ng
iyong Papa para maoperahan ka na,” sagot naman ng ina sa anak.
Isang mahinang
katok ang narinig, at pumasok si Ramiro sa kuwarto ni Lila.
“O, nandiyan na
pala ang Papa mo eh,” masiglang sabi ni Agnes. “Kamusta?”
“May magandang
balita ako para sa’yo, anak. Makakakita ka nang muli!”
May eye donor
nang nahanap ang ama ni Lila, kapalit ng malaki-laking halaga. Agad na
isinagawa ang operasyon ni Lila. Wala man lang pagkakataong makilala ni Lila o
ng kanyang pamilya kung sino ang kanyang donor, dahil hindi na rin nagpakita
ang donor na ito. Naging matagumpay ang operasyon, at unti-unti nang gumagaling
ang mga sugat na natamo ni Lila sa nangyaring pagsabog. Makalipas ang isang
linggo, tinanggal na ang benda sa mga mata ni Lila.
“Dok, nakakakita
na ako!” masayang sambit ni Lila sa kanyang doktor.
“Ay, Diyos ko,
salamat po!” sabi ng kanyang ina.
“Maraming
salamat po, Dok,” sabi ng ama ni Lila sabay abot ng kanyang kamay sa doktor.
“Wala po iyon,
trabaho po namin ang gawin ang lahat upang maibalik ang paningin ng inyong
anak,” masayang sabi ng doktor sa mag-asawa. “Siya nga pala, Lila, kailangan
mong bumalik sa ospital buwan-buwan para sa isang regular check-up. Para lang masiguro nating magaling na nga talaga ang
iyong mga mata.”
“Sige, Dok,
magpapatingin po ako buwan-buwan,” sagot ni Lila sa mabait na doktor.
Nakalabas na si
Lila sa ospital matapos tanggalin ang kanyang benda. Balik sa normal ang
kanyang buhay. Lagi na rin siyang de-sundo ng kotse, upang maiwasang maulit ang
trahedyang nangyari sa kanya noon.
Sa opisina,
mainit ang pagsalubong sa kanya ng kanyang mga kasamahan, lalo na nang kanilang
malaman ang nangyari kay Lila. Marami sa kanila ang bumati kay Lila. Kabilang
rito’y ang kanyang mga kaibigang sina Leti at Wendy.
“Lila! Kamusta
ka na? Magaling ka na ba talaga?” tanong ni Leti kay Lila nang siya’y napadaan
upang mananghalian.
“Okay na ‘ko,
‘no. Mas malinaw pa nga ata ang paningin ko ngayon, e!” masigla namang sagot ni
Lila sa kaibigan.
“Hoy Lila,
kilala mo ba yung nag-donate sa’yo ng mata?” Si Wendy naman ang nagtanong.
“Hindi nga, eh.
Gusto ko nga sanang mag-thank you pero hindi ko man lang siya nakilala.”
“Ano ka ba, at
least magaling ka na!” sagot ni Leti.
“Kung nasaan man
siya ngayon, thank you sa’yo,” nakangiting sabi ni Lila. “O, kumain na ba
kayo?”
“Kani-kanina
lang, Lila. Sorry ha,” sagot ni Wendy.
“A, gano’n ba.
Sige, kakain na ako ha.”
Sa isang maliit
na café, sa tapat ng building kung saan siya nagtatrabaho, naisipang kumain ni
Lila nang tanghalian. Kaya nga lamang, punung-puno na ang café. Ang haba pa ng
pila; umabot na sa labas ng pinto. Mabuti na lang at may nakita siyang isang
lalaki sa may sulok na puwede niyang tabihan, dahil wala nang iba pang
mauuupuan.
“Excuse me,
pwede bang maki-upo?” tanong ni Lila sa lalaki.
“Sige lang,”
mahinang sagot ng lalaki na nakadungaw sa salamin ng café.
“Salamat, ha,”
nakangiting sabi ni Lila.
“Walang anuman.”
Hinigop muna ni
Lila ang kanyang kape, saka unti-unting isinubo ang cake na inorder niya. Hindi
pa rin inaalis ng lalaki ang kanyang tingin sa may bintana, kaya kinausap
siyang muli ni Lila.
“Ano ho bang
tinitignan niyo sa labas?”
“Sa totoo lang,
wala akong nakikita. Bulag ako. At ‘wag kang mag-po sa akin, bente-singko lang
ako,” mahinang sagot ng lalaki.
“Ay, sorry.”
“Okay lang.
Kumain ka na lang.”
“Tapos na rin
naman ako, e. Salamat sa upuan.”
“Walang anuman.”
Umalis na si
Lila sa café. Habang naglalakad ay naisip ni Lila ang kalagayan ng lalaking
kanyang nakausap kanina. Paano kung naging ganoon rin siya? Paano kung nabulag
rin siya tulad nung lalaki?
Ilang araw pa
ang lumipas at isang buwan na mula nang maoperahan si Lila, kaya kailangan na
niyang bumalik sa ospital upang magpatingin. Pagbalik niya’y hindi na si Dr.
Perez ang humarap sa kanya, kundi isang batang doktor.
“Dok, nasaan na
po si Dr. Perez?” tanong ni Lila sa doktor na umaasikaso sa kanya.
“A, nasa States
siya ngayon, nagbabakasyon kasama ang pamilya. Matagal na kasi nilang naiplano
‘yun, e. ‘Wag kang mag-alala, ibinilin ka niya sa akin,” sagot ng doktor na
nakangiti sa kanyang pasyente. “Ayaw mo ba sa akin?” at natawa siya sa kanyang
sinabi.
“Hindi naman sa
gano’n, Dok,” nahihiyang sagot naman ni Lila. “A, e, sino nga po pala kayo
ulit?”
“Ako si Dr. Mark
Mendez, but you can call me Mark,” sabi ng doktor na hindi pa rin nawawala ang
mga ngiti sa kanyang labi. “Sige, Lila, magsimula na tayo. Umupo ka na rito’t
titingnan ko na ang iyong mga mata.” Itinuro ni Dr. Mark ang isang upuan na nakakabit
sa isang aparato upang matingnan ang mga mata ni Lila.
Hindi gaanong
matagal ang naging pagtingin sa mga mata ni Lila, ngunit dahil magtatanghali na
nang makarating si Lila sa ospital, halos lunch break na nang matapos si Dr.
Mark sa kanyang mga mata.
“Napakaganda
pala ng mata mo, Lila,” bulong ni
Dr. Mark sa isang namumulang Lila.
“A, e, hehe…”
lang ang tanging nasabi ni Lila.
“Lila, gusto
mong mag-lunch kasama ko?” tanong ni
Dr. Mark. “Tutal malapit na rin namang maglunch
break, kaya sabay na lang tayo.”
“Um, sige,”
mahinang sagot ni Lila. Makakatanggi pa ba siya sa malambing na pakiusap ng
doktor?
“Good! Tara na sa canteen,” at dinala ni Dr. Mark si Lila sa canteen habang
nakaakbay sa balikat ng dalaga.
Sa isang mesa
magkasamang kumakain sina Lila at Dr. Mark. Masaya ang kanilang
pagkukuwentuhan. Maraming nalaman si Lila tungkol sa doktor, tulad ng binata pa
si Dr. Mark, na siya namang nagpaigting sa kilig na nadarama ni Lila. Napakabait
at malambing ni Dr.
Mark sa kanya, kaya agad na napalagay ang loob niya sa binata.
Sa opisina, agad
na ikinuwento ni Lila ang mga nangyari sa ospital sa kanyang mga kaibigan. Hindi
mawala ang ngiti at kilig sa mga mata ni Lila, habang isa-isa niyang inuulit
kina Leti at Wendy ang mga nangyari sa kanila.
“…tapos hawak
niya ang aking mga kamay habang sinasabi niya sa aking nais niyang maulit ang
pagkikita namin,” sabik na ikinukuwento ni Lila sa mga kaibigan.
“Talaga? Ay,
nakakakilig naman!” sagot naman ni Wendy.
“Oo, talaga.
Sabi pa nga niya tatawagan raw niya ako kung libre siya, e!”
“Grabe, Lila,
na-love at first sight yata ‘yun sa’yo, a!” sabi naman ni Leti kay Lila.
“Ewan ko kung
anong tawag doon, pero gusto ko siya,” wika ni Lila.
Hindi man
madalas ang pagkikita nina Lila at Dr. Mark, lubos namang naibigan ni Lila ang
mga pagkikitang iyon. Tuwing magkakahawak ang kanilang mga kamay, pakiramdam ni
Lilang lumulutang siya sa himpapawid. Tuwing gabi, si Mark lang ang laman ng
kanyang mga panaginip. Lagi niyang inaasam-asam na balang araw ay ipapahayag ni
Mark ang wagas na pag-ibig nito para sa kanya.
Isang malamig na
hapon, kahit sa oras ng trabaho, ay pinagpapantasyahan pa rin ni Lila ang
guwapo’t matipunong doktor na iyon. Malakas ang buhos ng ulan, kaya’t niyaya si
Lila ng kanyang mga katrabahong magkape muna.
“Lila, tama na
yang pananaginip nang gising, magkape muna tayo!” sigaw ng isa sa mga
ka-opisina ni Lila.
“Sige, sige,
susunod na lang ako sa inyo,” ang tanging sagot ni Lila sa kanila.
Natagalan pa
bago tumayo si Lila sa kanyang kinauupuan at putulin ang pagpapantasya sa
doktor. Kaya naman pagdating niya sa café, puno na ng tao ang lugar.
“Leti!” sigaw ni
Lila sa kaibigan. “Bakit hindi niyo ako isinave ng upuan?”
“Akala namin
hindi ka na darating, e! Sori, Lila,” sagot naman ni Leti.
“Sige, hahanap
na lang ako ng mauupuan sa likod.”
Lumakad-lakad si
Lila hanggang makarating siya sa sulok. Doo’y may nakita siyang isang mamang
mag-isa sa isang mesa.
“Excuse me po,
pwedeng maki-share?” tanong niya sa lalaki. Nakatingin siya sa labas ng
bintana. Hindi ito kumikibo.
Naisip ni Lila
na baka ayaw magpagambala ng lalaki, kaya’t tumalikod na siya upang humanap ng
ibang mauupuan.
“Okay lang,
Miss. Dito ka na lang umupo ulit,” mahinang sabi ng lalaki.
“Salamat,”
mahinang sagot rin ni Lila. “Teka lang, nagkita na ba tayo dati?”
Inialis ng
lalaki ang kanyang tingin sa bintana at waring haharap kay Lila. Ngunit hindi nito
nahanap ang kanyang mga mata.
“Dito ka rin
nakiupo sa akin noong manananghalian ka, Miss. Nakikilala ko ang iyong boses.”
“Gano’n ba? Ang
galing naman ng memorya mo. Sandali lang naman tayo nakapag-usap, hindi ba?”
“Tumalas ang
aking pandinig sabay ng pagkawala ng aking paningin,” sagot ng lalaki, at
kinapa ang kanyang mga mata.
Walang naisagot
si Lila. Pinagmasdan lamang niya ang lalaki sa kinauupuan nito. Naalala niyang
muli ang trahedyang naganap apat na buwan na ang nakalilipas.
“Pasensya na,
ha. Ako nga pala si Anton,” sabay abot ng kanyang kamay sa kanyang harap.
Inabot ito ni
Lila mula sa kaliwa. “Lila,” at kinamayan ang lalaki. Napansin niyang malambot
ang kamay nito.
Binitiwan na ni
Lila ang kamay ng lalaki. “Madalas ka ba rito, Anton?” tanong niya sa lalaki.
“Araw-araw akong
nandito,” ang sagot ni Anton.
Mula sa simula’y
pinagtakahan na ni Lila kung bakit parating nakatingin si Anton sa labas,
gayong bulag naman ito. Kaya naisip niyang itanong iyon sa kanya.
“Siya nga pala,
may itatanong sana
ako. Sana ‘wag
mong masamain or something,” wika ni Lila.
“Sige, ano
iyon?” mahinang tanong rin ni Anton.
“Uh…” Biglang
natigilan si Lila. Hindi niya alam kung paano sisimulan ang tanong nang hindi
makakasakit ng sinuman.
“’Wag kang
mahiya, Lila. Nais mo ba akong tanungin kung bakit ako nabulag?”
“Hindi naman,
Anton. Gusto ko lang sanang itanong… Bakit ka laging nakatingin sa labas? E
di’ba…”
“…bulag ako?”
ang tapos ni Anton sa pangungusap ni Lila. Napatakip si Lila sa kanyang bibig.
Kategorya:
kwento
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
0 puna: