Tungkol sa blogger
Ginawa ang blog na ito upang magsilbing sisidlan ng marami kong mga ideya tungkol sa iba't ibang mga bagay. Minsan habang naglalakad o kumakain, madalas kapag naliligo, o kahit walang ginagawa at nakahiga lamang sa kama at nakatingala sa kisame, sa mga ganoong pagkakataon ako mas nakakapag-isip-isip. Isang koleksyon ng mga kwento, kathang-isip man o katotohanan, at kahit mga walang kwentang bagay-bagay. Kahit ano, pwede.
- Abigail Jayin
Nakaraan
Mga Popular na Post
-
Ito naman ang pangalawang isinulat ko para sa portfolio project namin sa MP10, isang creative non-fiction. Para itong fusion ng kwento at no...
-
Ngayon ay unang araw ng panibagong semestre. Maaga ako nagising dahil ayokong mahuli sa aking major dahil alam ko na ang daratnan kong prof...
-
Mahilig akong tumugtog ng gitara. Hindi naman ako magaling, at hindi rin naman natutong tumugtog mula pagkabata, pero ito talaga ang hilig k...
-
Marami kaming mga bagong sinulat para sa MP 10, pero lahat ng iyon ay para na sa portfolio na ipapasa sa pagtatapos ng sem. Uunti-untiin ko ...
Blogroll
Mayo 21, 2013
Mayroon akong isang maikling kwentong isinulat noong ako'y nasa ikatlong taon ng high school na sobrang ipinagmamalaki ko. Sa tingin ko noo'y mahusay ko siyang naisulat. Sa pagkakaalala ko rin, 1.25 ang grade ko sa kwentong ito. Ngunit mas mahaba siya kaysa sa mga iba kong isinulat. Maituturing maikling kwento ang anumang kwento na may 5,000 hanggang 20,000 salita. Kaya ito'y isa pa ring maikling kwento.
Mata ng Pag-ibig
Ni Abigail Mae C. Jayin
“Kuya, hindi mo
ba talaga ako madadaanan?” tanong ni Lila sa kausap sa telepono.
“Sorry Lila,
sira kotse eh. Mag-LRT ka na lang.”
“Sige na nga.
Bye, Kuya.”
“O, mag-ingat ka.
Masama na ang panahon ngayon.”
Kakatapos lang
ng pagha-half day ni Lila sa trabaho. Nalalapit na kasi ang launching ng bagong
produkto ng kanilang kliyente. Kinailangan ni Lilang pumasok ngayon, kahit
Linggo, upang tapusin ang kanyang nalalabing mga gawain.
Si Lila ay isang
creative consultant sa isang malaking advertising company na may sangay sa
Malate. Simple lang ang kanyang trabaho – siya ang magsasabi kung ang mga
disenyong ilalapat sa mga billboard at poster ay bagay sa produktong
ine-endorso. Araw-araw ay sinusundo siya ng kanyang kapatid na si Leon mula
sa kanilang opisina, ngunit sa pagkakataong ito’y kailangan niyang magkomyut
dahil nasiraan ang kanyang kuya. Ngunit siguradong siksikan ngayon sa LRT,
dahil holiday pa naman. Rizal Day ngayon kaya siguradong maraming tao ang
mamamasyal ngayong araw.
Ngunit ano pa ba
ang magagawa ni Lila, kundi ang tiisin ang siksikang tren upang makauwi, kaya
hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon. Marahil ay maabutan pa niya ang tren na
hindi gaanong puno.
Pagdating niya
sa Quirino station, punung-puno na ang mga tren. Ala-una pa lamang ngunit
umaapaw na ang mga tao. Walang nagawa si Lila kundi indahin ang
pagkarami-raming tao.
Habang nasa tren
si Lila, hindi niya maintindihan kung bakit siya kinakabahan. Parang may
mangyayaring hindi niya maipaliwanag. Ngunit agad naman niyang ipinagsantabi
ang kanyang kaba. “Dahil lang ‘to sa upcoming launching bukas,” sabi niya sa
sarili.
Sandali na lang
at darating na si Lila sa Blumentritt, at isang sakay na lang ng taxi,
makakauwi na siya. Ngunit hindi pa man nakakatigil ang tren ay biglang may sumabog
sa gitnang bahagi nito. Isang bomba ang nakapasok at itinanim sa tren, na
ngayo’y pinasabog na. Walang usok na namuo, ni walang apoy. Nagkawasak-wasak
ang buong tren. Nagkalat ang mga piraso ng nagkalasog-lasog na tren sa paligid.
Unti-unting nagdidilim ang paningin ni Lila. Naririnig niya ang sigaw ng ibang
mga pasaherong humihingi ng tulong. Wala na halos maaninag si Lila nang may
narinig siyang isang tinig.
“Miss? Miss!
Tulong! Tulungan…”
At tuluyan nang
nawalan ng malay si Lila.
Dinala si Lila
ng mga rescue workers sa pinakamalapit na ospital upang maipagamot. Nang
malaman ng kanyang pamilya ang trahedyang nangyari sa kanya, agad silang
sumugod sa ospital. Doo’y nakausap nila ang doktor na tumitingin kay Lila, si
Dr. Perez.
“Dok, kamusta na
po ang anak namin?” tanong ng ama ni Lila.
“Hindi po
gaanong malala ang natamo niyang mga sugat sa braso’t binti, ani Dr. Perez.
“Ngunit…”
“Ngunit ano po,
Dok?” sabat naman ng ina ni Lila. “May nangyari po bang masama kay Lila?”
“Misis,
ikinalulungkot ko po, ngunit… Higit na napinsala ang mga mata ni Lila. Nabulag
siya dulot ng pagsabog.” Napahagulgol ang ina ni Lila sa narinig.
“Wala na po bang
pag-asa pang makakitang muli ang aking anak? Kahit ano po, Dok,” pagmamakaawa
ng ama.
“Mr. Reyes, ang
kailangan po ng anak niyo ngayo’y isang eye transplant, ngunit napakamahal
nito. Mahigit sa isandaang libong piso ang gugugulin para sa operasyon,” sagot
ng doktor.
“Walang problema
sa pera, Dok. Kaya naming magbayad. Simulan niyo na po ang operasyon.”
“Pasensya na po,
ngunit hangga’t wala tayong eye donor, hindi maisasagawa ang operasyon.”
Napaupo sa
bangko si Mr. Reyes. Hindi niya alam ang gagawin. Ang kanyang asawa’y
naghihinagpis pa rin sa tabi ng kanyang anak. Bakit ba nangyari sa kanila ito?
“Maiwan ko na
muna po kayo,” at lumabas na ang doktor upang mapag-isa ang pamilya. Nang
sumara na ang pinto, nagsalita ang ina ni Lila.
“Ramiro, ano
nang gagawin natin ngayon?”
“Hahanap ako ng
eye donor para sa anak natin,” sagot ni Ramiro.
“Saan? Paano?
Paano kung nagising na si Lila na wala siyang makita?”
“Hindi ko alam,
Agnes. Pero gagawa ako ng paraan. Para sa anak natin.”
Kinabukasan,
nagising na si Lila mula sa pagkakahimbing. Ramdam na ramdam niyang nananakit
ang buong katawan niya. Ang huling naaalala niya’y ang malakas na pagsabog sa
istasyon ng tren kahapon. Waring nauulit sa isipan niya ang kalagim-lagim na
pangyayaring iyon, habang unti-unti niyang idinidilat ang kanyang mga mata.
“Ma? Nasaan ka?
Bakit patay ang ilaw?”
“Anak…”
“Ma? Ma! Buksan
niyo ang ilaw, wala akong makita!”
“Anak, huminahon
ka,” naiiyak na sabi ng kanyang ina habang yakap ang anak.
“Buksan niyo ang
ilaw, wala akong makita!” umiiyak na sabi ni Lila.
“Lila, Lila! Huminahon
ka!” Binuksan ni Agnes ang pinto. “Nurse! Nurse!”
Dali-daling
pumasok ang mga nars na may dala-dalang pampakalma. Itinurok kay Lila ang
pampakalma at unti-unti na siyang naging mahinahon.
“Mama, bakit
wala akong makita?” umiiyak na tinanong ni Lila sa kanyang ina.
“Anak, napinsala
ang mga mata mo dahil sa pagsabog. Pero ‘wag kang mag-alala, ooperahan ka rin
sa lalong madaling panahon.”
“Mama, ‘wag mo
akong iwan.”
“Nandito lang
ako, anak, hindi kita iiwan.”
Halos mag-iisang
linggo na sa ospital si Lila ngunit wala pa ring nahahanap na eye donor. Inip
na inip na si Lila sa kahihintay. Nawawalan na siya ng pag-asang makakakita pa
siyang muli.
“Ma, bakit wala
pa rin akong eye donor? Nasaan na po ba si Papa?” kinakabahang tanong ni Lila.
“Lila, mahirap
makahanap ng donor. Pero ‘wag kang mawalan ng pag-asa; lahat ay ginagawa ng
iyong Papa para maoperahan ka na,” sagot naman ng ina sa anak.
Isang mahinang
katok ang narinig, at pumasok si Ramiro sa kuwarto ni Lila.
“O, nandiyan na
pala ang Papa mo eh,” masiglang sabi ni Agnes. “Kamusta?”
“May magandang
balita ako para sa’yo, anak. Makakakita ka nang muli!”
Kategorya:
kwento
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
0 puna: