Tungkol sa blogger

Ginawa ang blog na ito upang magsilbing sisidlan ng marami kong mga ideya tungkol sa iba't ibang mga bagay. Minsan habang naglalakad o kumakain, madalas kapag naliligo, o kahit walang ginagawa at nakahiga lamang sa kama at nakatingala sa kisame, sa mga ganoong pagkakataon ako mas nakakapag-isip-isip. Isang koleksyon ng mga kwento, kathang-isip man o katotohanan, at kahit mga walang kwentang bagay-bagay. Kahit ano, pwede.
- Abigail Jayin

Mga Popular na Post

Blogroll

Mayo 17, 2013
Isa sa mga bagong pinagkakaabalahan ko ngayon ay ang pagtuturo. Sa pagsisimula ng taon, naaalala kong pinagdasal ko na sana'y magkaroon ako ng pwedeng pagkakitaan, para kahit paano'y makagaan ako sa aking pamilya. Kaya nang makatanggap ako ng text mula sa best friend kong naghahanap ng tutors para sa bubuksan nilang review center, agad akong pumayag.


Flashback nang halos dalawang taon, Hunyo 2011, at ako ay isa pa lamang aplikante sa research lab na kinabibilangan ko ngayon sa NIP.

Sa huling interbyu, tinanong ako ng isang PhD staff ng lab, "Anong plano mo pagkatapos mo ng undergrad?" Simple lang ang sagot ko sa kanya. "Magtuluy-tuloy hanggang makakuha din ng doctorate degree sa Physics." Siyempre, hindi maiiwasang ang dating sa kanya ay nambobola lang ako para makapasok sa lab, ngunit iyon talaga ang gusto ko. Ngunit idinagdag ko, "Gusto ko po talagang magkaroon ng PhD degree para maging bahagi ako ng faculty ng NIP."

Hindi ko alam kung kailan talaga nabuo sa aking isip at puso na gusto kong magturo. Mula pa noong bata ako, ang pangarap ko ay maging isang astronomer at maging kauna-unahang taong makatapak sa Pluto. Ngunit sa pagitan ng mga taon, unti-unti kong napagtanto na marahil ito nga ang pagkakatawag ko.

Naaalala ko ang isa sa mga pinakaimpluwensyal kong guro noong hayskul pa ako. Bata pa siya, halos katatapos lang din ng kolehiyo nang pumasok at magturo sa aming paaralan. Nakilala ko siya noong nasa ikatlong taon ako. Ngunit, sa kasamaang palad, maaga siyang binawi ng Diyos sa mundong ito, nang tumungtong ako sa unang taon sa kolehiyo. Siya marahil ang isa sa mga taong may pinakamalaking bahagi sa desisyon kong maging isang guro. Hindi dahil sa mga naipasa niya sa aking kaalaman tungkol sa asignatura (world history ang tinuturo niya sa amin), kundi dahil sa mga maliliit na butil ng karunungang napulot ko sa kanya. Sa kanya ko napagtantong ang pagiging guro ay hindi nagtatapos sa loob ng silid-aralan. Madalas akong tumambay sa maliit niyang cubicle para lang mangamusta at makipagkwentuhan, at buong sigla din niyang ibabahagi sa akin ang mga karanasan niya sa lahat ng mga klase niya. Naging tunay na magkaibigan kami ni Ma'am. Naging takbuhan ko rin siya nang ilang ulit tungkol sa mga personal kong pinagdaraanan bilang isang teenager. At naisip ko noon, gusto ko ring maging tulad niyang kayang makahipo at makaimpluwensya ng maraming buhay sa pamamagitan ng sarili kong buhay. Marahil marami pang ibang trabahong makakatupad dito, ngunit para sa akin ay napakataas na bokasyon ng pagiging isang guro. Labis na pagtitiyaga at pag-unawa ang dapat na mayroon ka upang lubos mong magabayan at maiakay ang iyong mga estudyante.

Malayo pa ako sa pagiging isang mahusay na guro tulad ni Ma'am Shella Grace Paz. Nagsisimula pa lang ako at halos hindi pa nga nakakatayo nang tuwid sa landas na nais kong tahakin. Tiyak ko ring marami pa akong pagdaraanan, mga bagay na maaaring maitanong ko sa aking sarili kung tama bang ito ang landas na aking pinili. Siyempre, hindi nawawalang gusto ko ring maging mahusay na researcher na akma sa aking field of expertise, at hindi matatapos ang pagsasaliksik upang makatuklas ng bagoong kaalaman. Ngunit sa huli, kapag ako'y matanda na't babalikan ko ang aking pagkabata, tiyak akong masasabi kong nagawa ko ang mga bagay na dapat at gusto kong gawin.