Tungkol sa blogger

Ginawa ang blog na ito upang magsilbing sisidlan ng marami kong mga ideya tungkol sa iba't ibang mga bagay. Minsan habang naglalakad o kumakain, madalas kapag naliligo, o kahit walang ginagawa at nakahiga lamang sa kama at nakatingala sa kisame, sa mga ganoong pagkakataon ako mas nakakapag-isip-isip. Isang koleksyon ng mga kwento, kathang-isip man o katotohanan, at kahit mga walang kwentang bagay-bagay. Kahit ano, pwede.
- Abigail Jayin

Mga Popular na Post

Blogroll

Mayo 16, 2013
Napakatagal na mula nang huli kong binisita ang blog na ito. Nung una nga'y hindi pa ako makapag-log in dahil nakalimutan ko na kung anong account ang ginamit ko sa blog na ito. Ngunit dahil sa hindi malamang dahilan, naalala kong minsan nga pala sa aking buhay ay may ginawa akong blog na ganito at ngayon ay walang-wala na siyang laman.

Kaya naisip kong punuang muli ang blog na ito nang samu't saring kwento, kathang-isip man o hindi. Napakalayo na ng ako noon na gumawa ng mga komposisyon ko noon mahigit isang taon nang nakalipas, sa ako ngayon na susubuking dugtungan ang naputol kong gawain. Maaaring maging patunay ang blog na ito sa maraming mga pagbabagong naranasan ko sa aking buhay.

Marami na akong mga bagong bagay na pinagkakaabalahan ngayon, at hindi mawawala doon siyempre ang pagsusulat. Ngayon nga lang, mas marami na akong lab reports at research papers na isinusulat kaysa panitikan. Habang wala pa akong bagong kwento, heto ang isa sa mga komposisyon ko dalawang taon na ang nakakaraan. Ang pamagat nito ay "Soundtrack ng Buhay Ko".

Disclaimer: Naniniwala akong hindi na ako ganito magsulat ngayon, kaya kung medyo cheesy ay pagpasensyahan na. :)


~~~

Tunay ngang kapag buwan ng Pebrero ay naglipana ang mga puso sa paligid. Itinuturing na sagradong araw ng mga magsing-irog ang ika-14 na araw ng buwan na ito. Marami sa mga ito ang lumiliban pa sa klase o trabaho upang makasama lang ang kanilang minamahal sa maligayang araw na ito. Marami namang mga single ang aali-aligid sa mga mall, parke at pamilihang bayan sa pag-aasam na matagpuan nang sa wakas ang kanilang natatangi. Ngunit ako, idinaos ko ang Araw ng mga Puso sa loob ng aking maliit na kwarto.

Hindi ako malungkot, hindi rin ako bitter. Talagang wala lang kahulugan para sa akin ang araw na ito. Dati siguro, nagkaroon ng excitement sa puso ko tuwing sasapit ang Pebrero 14, ngunit ngayong taon, wala. Mas pinili ko pang unahin ang mag-review para sa mga exam na walang-awang ini¬-schedule ng mga propesor ko sa linggong ito, na dapat sana’y puno ng pagsasaya at pagmamahalan.

Pero isang bagay ang talagang inaabangan ko sa dulo ng linggong ito: ang Valentines concert ng aming barangay. Isa kasi ako sa mga napiling magbigay ng natatanging bilang. Kahit ni minsa’y hindi pa ako sumali sa kahit na anong amateur singing contest, sa tingin ko nama’y mananalo ako kung naging mas matapang lang ako. Ngunit mas gusto ko na ang ganito: aawit ako kung kailan ko gusto at walang pressure na manalo sa anumang paligsahan. At buong linggo, kahit nga marami pang mas importanteng mga bagay na dapat unahin, hindi ko maitago ang pagkasabik sa pagdating ng Biyernes.

Dumaan na ang mga araw ng pagdurusa – natapos ko na lahat ng mga exam, at sa wakas ay Biyernes na. Mula sa paaralan ay diretso ako agad sa malaking bulwagan na pangyayarihan ng concert. Dala ko na ang pulang bestidang isusuot ko, pati ang matatarik na stilettos na gagamitin ko. Pumayag ang nanay ko na tagpuin nalang ako doon at saka ako ayusan ng buhok.

Pagpasok ko ng bulwagan, natulala ako sa nakita ko. Hindi ko inasahang ganito nila pinaghandaan ang concert. Hindi ko maiwasang mapanganga at umikot-ikot ang ulo ko. Ang mga pader ay sinabitan ng mga pulang kurtina, at ang gitna ng bulwagan ay nilatagan ng pulang carpet na animo’y kasalan ang magaganap. Sa kaliwa’t kanan ay nakakalat ang mga bilog na mesang may puting mantel, at sa bawat mesa ay may isang pulang rosas na nakalagay sa isang matangkad na baso, at dalawang nakasinding kandila sa magkabila nito. Ang entablado nama’y pinalamutian rin ng mga rose petals, kaya naman humahalimuyak sa bango ang buong paligid. At habang naglalakad ako papalapit nang papalapit sa entablado, nasilayan ko ang nakangiting mukha ni Robin. May hawak siyang isang pulang rosas na may mahabang tangkay, at, nang halos magkaharap na kami’y tinanong niya ako.

“Jenny, may gunting ka ba?”

“Ha?” Umubo ako nang konti na parang nasamid. “A, e, wala. Bakit mo kailangan ng gunting?”

“A, kailangan ko kasi ‘tong gupitin para ipang-decorate,” sagot ni Robin na tinutukoy ang rosas na kanyang hawak. Sayang naman, akala ko ito na.

Si Robin ang napiling emcee para sa gabing iyon, dahil siya ang pinakagwapo at pinakasikat na binata sa barangay namin. Maraming babae ang nagkakandarapa sa kanya, at isa na ako doon. MVP ng liga, drummer ng banda, mahusay na singer, at higit sa lahat, available. Kasama niya si Karen na muse ng barangay, na katulad niya’y habulin rin ng mga lalaki. At dahil nga pareho kaming mahilig kumanta, ilang beses na rin kaming nagkasama sa mga ganitong programa, kaya naman medyo close na kami.

Umupo na ako sa mesang nakahanda para sa mga mang-aawit. Mula sa malayo’y kinukuntento ko na lang ang sarili kong titigan si Robin habang siya’y nagsasalita. Nakakainggit talaga si Karen, dahil lagi na lang silang napapagpareha ni Robin. Pero kahit nalulunod na ako sa selos, kailangan ko pa ring kumalma dahil kakananta pa ako. Pagkatapos ng ikalawang mang-aawit ay hiningi ni Robin ang atensyon ng mga panauhin.

“Nag-eenjoy po ba tayong lahat?” Isang malakas na “Oo!” ang umalingawngaw. “Mabuti naman po kung ganon!”

“Robin, sabihin mo na sa kanila ang gimik natin ngayong gabi,” udyok ni Karen.

“A, oo nga pala!” Tawanan ang mga tao. “Kung makikita ninyo sa inyong mga mesa ay may mga papel na hugis puso. Maaari po kayong sumulat diyan ng inyong mensahe para sa kahit na sinong nandito ngayong gabi. Iabot niyo lang sa amin ni Karen at babasahin namin ang message ninyo.”

Mararamdaman ang pagkasabik sa paligid. Ang mga fangirls ni Robin ay nagtitilian na, habang ang mga manliligaw ni Karen ay unahan na sa paghanap ng bolpen. Tinignan ko ang mesa namin at inabot ang isang papel na puso. Kung mailalagay ko lamang sa maliit na papel na ito ang lahat ng gusto kong sabihin, napakadali nga lang naman.

Nang humupa na ang lahat ay tinawag na ni Karen ang sunod na mang-aawit, si Lea na champion ng “Barangay Idol” noong isang taon. Malayu-layo pa ako kaya pwede pa akong mag-relax. Habang kumakanta si Lea ay ilan-ilang mga mag-asawa’t magnobyo ang tumayo upang sumayaw sa gitna. Agad kong hinanap kung isa ba sa mga tumayo si Robin, ngunit buti na lang at nakita ko siyang nakasandal lang sa isang pader at nahuli ang tingin ko. Agad kong iniwas ang aking tingin at kunwaring nagsulat sa pusong hawak ko.

Mga ilan pang mang-aawit ang dumaan at sa wakas ay ako na ang susunod. Muling tumayo sa harap sina Robin at Karen upang ipakilala ang susunod na kakanta.

“O, Robin, ano namang masasabi mo tungkol sa susunod nating singer?” tanong ni Karen.

“A, eto? Idol ko ‘to eh. Ang galing kumanta at nakaka-inlove ang boses,” sagot naman ni Robin.

“Ikaw ha,” tukso ni Karen. Sabay-sabay na nag-“Yihii!” ang mga tao habang namumula naman ako sa aking upuan. Ako, nakaka-inlove?

Pumasok nang muli si Karen. “Kaya’t tawagin na natin si…”

“Mang Rex!”

Nanlaki ang mga mata ni Karen kay Robin. Tumayo na si Mang Rex na nakaupo sa tabi ko, habang nagtatawanan at nagpalakpakan ang mga tao. Hinatak ni Karen si Robin pababa ng entablado at saka binatukan.

“Aray, ano ba ‘yun?”

“Kung di ka ba naman isang tanga’t kalahati!” sagot ni Karen. “Si Jenny kaya ‘yung susunod, hindi si Mang Rex!”

“Alam ko!” banat ni Robin. “Kinabahan lang ako kaya siguro mali ang nabasa ko sa listahan natin.”

“Kinabahan?!” Inis na inis na si Karen. Humarap siya sa akin. “Jenny, pasensya ka na dito sa tanga kong partner ha. Kinabahan daw.” Bakas sa boses niyang hindi niya tinatanggap ang paliwanag ni Robin. Si Robin, kakabahan?

“Ayos lang, buti nga hindi pa ako e,” sagot ko naman. “Medyo kinakabahan pa kasi ako.”

Nang matapos si Mang Rex ay bumalik na sa entablado ang dalawang emcee at ipinakilala na ako sa mga manonood. Bago ako magsimula’y ininterview muna ako ni Robin.

”Jenny, kanino mo naman dine-dedicate ang song na ito?” tanong niya sa akin.

Gusto nang kumawala ng tunay kong sagot. Sa’yo, kanino pa ba? Ngunit iba ang lumabas sa bibig ko. “Para sa mga magulang ko, na halimbawa sa akin ng wagas na pag-ibig.” Kinantiyawan ng mga kapitbahay namin ang mga magulang ko, na tila tuwang-tuwa naman sa atensyong napukol sa kanila.

“O sige, ‘wag ka munang tumingin kay Tatay,” sabi ulit ni Robin sabay lipat sa kaliwa ko, kung saan matatakpan niya ang kinauupuan ng mga magulang ko mula sa kinatatayuan ko. “Maraming gustong malaman. Ano bang status mo?”

Panay hiyaw na naman ang narinig ko mula sa mga manonood. Hindi ko alam ang isasagot. Single and available? Mukha naman akong desperadang naghahanap ng syota. It’s complicated? Dahil hindi mo pa rin alam na gusto kita.

“Sige nga, ikaw, ano ba talagang status mo?” tanong ko naman sa kanya upang makaiwas.

“Aba, aba, walang ganyanan! Nauna akong magtanong. Pero saka na nga muna ‘yan. Mga kaibigan, palakpakan nating muli, si Jenny Lim!”


Baby, you’re all that I want, when you’re lying here in my arms
I’m finding it hard to believe we’re in heaven
And love is all that I need, and I found it there in your heart
It isn’t too hard to see we’re in heaven

At sa isang huling buntong-hininga, sa wakas ay natapos na rin ako. Sa totoo lang, hindi ko naman talaga mai-dedicate sa kanya ‘yung kantang iyon. Hindi naman kasi bagay ‘yung mensahe, di’ba. Pero marahil, sa likod ng isip ko, inaasam ko ring awitin naman niya ito sa akin.

Ilan pang mga mahuhusay na mang-aawit ang nagbigay ng kanilang mga natatanging bilang, hanggang sa natapos na ang lahat at nagkainan na ng hapunan. Nang matapos ang kainan, umakyat muli si Karen sa entablado at sinabing bukas na ang dance floor. Marahil ay hanggang hatinggabi na ‘to. Pagod na ang mga paa ko kaya naman tumayo na ako’t kinuha isa-isa ang mga gamit ko sa mesa: ang maliit kong purse, ang bolpeng ginamit kong panulat, at ang pusong may nakasulat na pangalan ni Robin. Saktong pagtalikod ko ay nakita ko siyang papalapit, at sa sobrang gulat ko ay muntik pa akong mapaupo ulit. Buti na lang nakatayo pa rin ako, kundi wa-poise ako sa harap ni Robin.

”Jenny, paalis ka na ba?” tanong niya sa akin.

”A, e, hindi pa naman. Bakit?”

“A, ano kasi…” Biglang naging pabulong ang boses niya na hindi ko na maintindihan ang sinasabi niya sa akin.

“Ha? Anong sabi mo?”

“Sabi ko, pwede ba kitang maisayaw?”

Hindi pa ako nakaka-oo ay kinuha niya ang kanang kamay ko at inilapag lahat ng hawak ko sa mesa, at saka dahan-dahan akong hinila papunta sa dance floor. Saktong-sakto namang naging mabagal ang tugtog. Mula sa madilim na sulok ay nakita kong kinikindatan ako ni Karen. Napakalaki ng utang na loob ko sa kanya pagkatapos nito.

Mahinhing ipinatong ni Robin ang kanyang mga kamay sa bewang ko, at ipinatong ko naman ang aking mga kamay sa kanyang mga balikat. Ganito pala ang pakiramdam ng nasa langit. Bigla pa akong napatawa nang marinig kong ang awit na tumutugtog ay ang parehong awit na kinanta ko kanina: “Heaven”.

”Bakit ka natatawa?” tanong ni Robin sa akin na parang nag-aalala.

”A, wala,” sagot ko naman. ”Na-realize ko lang na ‘Heaven’ din pala yung kanta. Ganito pala ang feeling.” At bigla kong kinagat ang labi ko sa huli kong nasabi. Ngunit ngumiti lang si Robin sa akin.

”Tama ka, ganito nga ang feeling.”

Kung ano pang nangyari pagkatapos noon ay hindi ko na masyadong maalala. Hindi pa rin maalis sa isip ko ang mga huli niyang sinabi sa akin. Sa kabila ng maraming mga matang nakatuon sa aming dalawa, wala akong ibang tinitignan kundi ang kanyang mga mata. Sapat na ang mga iyon upang manumbalik ang tuwa sa puso ko dahil sa Valentines.

I’ve been waiting for so long
For something to arrive
For love to come along
Now my dreams are coming true
Through the good times and the bad
I’ll be standing there by you